CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version
PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Pebrero 12 (PIA) ---  Inihayag ni Amado Gonda, Physical Education and School Sports Supervisor, DepED na  handang-handa na ang pagbubukas ng palarong MIMAROPA Regional Athletic Association Meet na gaganapin sa bayan ng Brooke’s Point. 
 
Ayon kay Mr. Gonda, nakatakdang dumating ang mga delegasyon mula sa iba’t-ibang lalawigan at siyudad na sakop ng rehiyong MIMAROPA sa Pebrero 19. Sa ika-20 ay magkakaroon ng solidarity meeting ang mga opisyal ng DepEd.
 
Tinatayang aabot sa 2,360 ang kabuuang delegasyon na lalahok sa taunang palaro, ani Gonda. Isang daan at limampu ang bilang ng delegasyon mula sa lalawigan ng Romblon, 180 naman mula sa Marinduque at Siyudad ng Calapan, 250 mula sa Mindoro Occidental, 350 naman mula sa Mindoro Oriental, 600 ang bubuo ng delegasyon ng Puerto Princesa at 650 naman ang delegasyon ng Palawan.
 
Gaganapin ang parada sa ika-21 ng Pebrero sa ganap na alas 7:00 ng umaga sa kabayanan ng Brooke’s Point.  Ito ay pangungunahan nina Gob. Abraham Kahlil Mitra, Bise Gob. Fems Reyes, miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at mga pinuno ng iba’t-ibang departamento ng pamahalaang panlalawigan. 
 
Susundan ito ng field demonstration sa Brooke’s Point Sports Complex at pormal na pagsisimula ng kumpetisyon. Sa gabi ay idadaos naman ang Governor’s Night para sa mga opisyales ng delegasyon.
 
Kaugnay nito ay handa na rin ang mga paaralan na magsisilbing quarters ng mga atleta sa bayan ng Brooke’s Point. Ang itinalagang quarter delegasyon ng Calapan ay ang Ipilan Elementary School, Barong-barong Elementary school para sa delegasyon ng Oriental Mindoro; Rafael Gestiandan Elementary School para sa delegasyon ng Romblon, Palawan State University para sa Occidental Mindoro; Central Elementary School para sa Puerto Princesa, Sacred Heart of Jesus High School naman ang delegasyon ng Marinduque at Brooke’s Point National High School para sa delegasyon ng Palawan.
 
Sa taong ito ay idedepensa ng delegasyon ng Palawan ang kampeyonato sa lebel ng elementarya at sekondarya na nakuha nito sa isinagawang MIMAROPARAA sa siyudad ng Calapan.  Magtatapos ang palaro sa Pebrero 25, 2012. (PIO/OCJ/PIA4B-Palawan)
By Orlan C. Jabagat
Article Type: