CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Marso 28 (PIA) -- Dalawampung porsiyento ang itinaas ng dami ng mga turistang bumisita sa lalawigan ng Palawan sa nakalipas na taon.
Ito ang iniulat ni Ms. Maribel C. Buni, Chief Tourism Operations Officer kamakailan.
Ani Buñi, umabot sa 631,145 na mga turista ang tumungo sa lalawigan nitong 2011 kumpara sa 523, 872 noong 2010. Ang mga nabanggit na datos ay kanilang nakalap mula sa mga Municipal Tourism Offices sa iba’t-ibang munisipyo sa lalawigan.
Sa mga munisipyo, nangunguna pa rin ang bayan ng Coron sa may pinakamaraming naitalang tourist arrivals na umabot ng 47,814 samantalang pumapangalawa pa rin ang munisipyo ng El Nido na may 42,221 na mga turistang tumungo dito at pangatlo ang bayan ng San Vicente na nakapagtala naman ng 10,516 na mga turista.
Ayon kay Buñi, ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga domestic at foreign tourists na tumutungo sa lalawigan ay bunsod na rin ng lalo pang pagpapaigtingin ng promosyon ng turismo sa lalawigan.
Malaking tulong din aniya ang magandang ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga tourism stakeholders sa lalawigan partikular sa Palawan Tourism Council.
Isa rin aniya sa mga nakikitang dahilan ng patuloy na pag-unlad ng turismo sa Palawan ang maayos na imprastraktura tulad ng mga kalsada at ang pagdami ng transportasyon partikular ng mga bumibiyaheng eroplano sa pagitan ng Manila at Puerto Princesa, Puerto Princesa at Cebu at ang pagbubukas ng rutang Puerto Princesa at Clark.
Noong 2011 merong 12 flights kada araw, at ngayon meron nang 18 flights, patunay na dumadami ang dumadatin g ng mga lokal at dayuhang artista.
Layunin pa rin ng Palawan Tourism Promotions and Development Office na lalo pang mapataas ang dami ng mga turistang tutungo sa lalawigan, paigtingin ang promosyon at mapalago ang employment sa sektor ng turismo. (PIO/OCJ/PIA4B-Palawan)