CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puert Princesa, CIO - Upang mapangalagaan at masulit ang kapakinabangan ng mga kalsada at daanan sa Puerto Princesa, mahigpit nang ipapatupad ang Ordinansa Bilang 712 na tinaguriang “Anti-Overloading Ordinance of Puerto Princesa City.”
Ito ay binalangkas ni Kgd. Roy Gregorio G. Ventura at inaprobahan naman ni Mayor Lucilo R. Bayron upang maiwasan ang mabilisang pagkasira ng mga kalsada at daanan na malaki ang epekto sa ligtas na pagbiyahe at maayos na daloy ng trapiko. Ayon sa pag-aaral ng Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Lansangan (DPWH), isa sa nagiging sanhi ng pagkasira ng mga kalsada ay ang pagdadaan ng mga sasakyang sobrang bigat ng mga kargada sa kapasidad nitong dapat dalahin.
Sa ilalim ng Ordinansa 712, ipinagbabawal sa mga trak, trailer o anumang sasakyan ang sumubra sa pinapayagang bigat ng kargada na nakasaad sa Republic Act 8794 o ang ACT Imposing a Motor Vehicle User’s Charge on Owners of all Types of Motor Vehicles and for other Purposes.” Nakatala dito na ang pinapahintulutang kargada para sa single axle load ay 13.5 tonelada at sa pinakamabigat na 22 wheels truck-trailer na may 3 axles ay 4.5 tonelada.
Kaugnay nito, isang task force ang itinatag ng Pamahalaang Lungsod na siyang may responsibilidad at binigyang kapangyarihan na magpatupad ng Ordinansa 712. Pinamumunuan ng City Administrator ang task force, kasapi ang mga puno ng komite sa transportasyon, katahimikan at kaayusan ng Sangguniang Panlungsod, kinatawan ng Department of Public Works and Highways, Land Transportation Office, City Traffic Management Office, City Philippine National Police at Highway Patrol Group. Sila ang huhuli sa mga trak at trailers na lumalabag sa nasabing batas at magsasakatuparan ng kaukulang parusa ayon batas.
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |