CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Marso 6 (PIA) -- Inilunsad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang isang proyektong hindi lamang makakatulong sa kalinisan ng kapaligiran, kundi pati na rin sa kapakanan ng mga bilanggo.

Sinimulan ng BJMP ang proyektong “Basura mo, tulong sa pagbabago ko” sa Puerto Princesa City Jail kamakailan.

Hinihikayat nito ang mga mag-aaral na makiisa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga basurang naipon nila sa kani-kanilang mga paaralan.

Ang malilikom na salapi mula sa mga pinagbentahan ng mga basura ay magsisilbing karagdagang pondo para sa Inmates Welfare and Development Program (IWDP) ng BJMP.

Partikular na tinututukan ng IWDP ang edukasyon ng mga bilanggo, tulad ng mga skills training sa iba’t-ibang larangan upang sa panahon ng kanilang paglaya ay hindi na mahirapan pang makapaghanap ng trabaho ang mga ito at tuloy-tuloy ang kanilang pagbabago sa labas.

Maliban dito, may feeding at community outreach program din ang BJMP. Sa kanilang outreach program, mga out-of school youth na walang kakayahang makapag-aral o makapagtapos ng technical education dahil na rin sa kakulangan sa pinansiyal na pangangailangan ang kanilang benipisyaryo sa pamamagitan ng mga skills training.

Ilan sa mga pamantasan at kolehiyo sa lungsod na nagpahayag ng kanilang suporta sa naturang programa ay ang Holy Trinity University, Palawan State University, Western Philippines University, Fullbright College at ang Department of Education City Schools Division.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamunuan ng BJMP at ang Puerto Princesa City Jail sa lahat ng sumuporta sa naturang proyekto. (OCJ-PIA4B Palawan)

 

Article Type: 
Categories: