CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Peb. 24 (PIA) -- Isang batas ang ipapanukala na magtatakda sa Palawan State University (PSU) bilang national center for petroleum engineering sa bansa.

Ito ang pahayag ni PSU President Jeter Sespeñe sa isang pagpupulong ng Rotary Club of Puerto Princesa kamakailan sa Asturias Hotel.

Sinabi ni Sespeñe na ang pagtatakda ng PSU bilang Petroleum Engineering University sa ilalim ng isang batas nasyunal ay maglalaan dito ng sarili nitong pondo na hiwalay sa pondo ng unibersidad.

Inaasahan ang sponsorship nito sa House of Representatives ng 2nd district Congressman na si Dennis Socrates.

Sa ngayon, tumutulong si Sespeñe sa pag-draft ng batas at malaki ang tiwala nito na maaaprubahan ito sa House of Representatives, gayundin sa Senado kapag ito ay sinumite na para sa unang pagbasa.

Ang Palawan State University ang kauna-unahang institusyon na nagbukas ng kursong petroleum engineering sa bansa noong 1995.

Bukod sa panukalang gawing national center ng petroleum engineering ang PSU, balak din ng unibersidad na maitatag sa loob ng tatlong taon ang School of Medicine sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP) o di kaya ay sa pamamagitan ng consortium sa University of the Philippines-Manila.

Kasalukuyang nakikipag-negosasyon ang bagong administrasyon ni Sespeñe sa University of the Philippines Open University (UPOU) upang maitakda din ang PSU bilang UPOU Learning Center.

Ang PSU ay naitatag nooong 1972 bilang Palawan Teachers College. Sa kasalukuyan, mayroon itong 15,747 enrolees. (LBR/VSM/PIA-Palawan)

By Victoria Asuncion S. Mendoza

 

Article Type: