CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

QUEZON CITY, Mar. 23 (PIA) -- Ibinahagi kaninang umaga ni Puerto Princesa Palawan Mayor Edward Hagedorn ang matagumpay na paglaki ng ekonomiya sa kanilang probinsya at ang pagdagsa ng maraming turistang lokal at dayuhang bansa.
Ibinalita rin ng alkalde ang pagpapalawak ng paliparan at pagsasaayos nito upang mas higit na matugunan ang dumaraming bilang ng turista sa probinsya.
Sinasabi niya na noong 1992 ay nasa 12,000 turista lang ang bumibisita sa Palawan kumpara sa 2011 kung saan mahigit 515,000 turista na ang dumagsa sa naturang lugar. Tinuran ito na “welcome problem” ng Palawan, dahil ito ay hudyat ng paglago ng siyudad.
Bago ang deklarasyon ng PPUR bilang World Heritage ng UNESCO, dalawang beses lamang ang kada araw ang paglipad ng eroplano patungo sa probinsya. Sa kasalukuyan, umaabot na sa 18 beses kada araw at mahigit 1,400 turista kada araw ang dumadayo sa Palawan.
Dagdag pa ni Hagedorn, nagpaabot na ng suporta at pagsang-ayon ang kalihim ng Department of Transportation and Communication na si Mar Roxas sa pagpapalawak at pagsasaayos ng paliparan ng Puerto Princesa.
Payo din ni Hagedorn sa mga nagbabalak bumisita sa Puerto Princesa, mas makabubuting agahan ang booking upang maiwasan ang mga problema sa pagsakay at para na rin maging maayos ang pagbiyahe. Sinisigurado rin niya ang mahigpit na pagpapatupad ng seguridad at alituntunin ng mga alagad ng batas sa Puerto Princesa, hindi lang sa paliparan kundi pati na rin sa mga lungsod at eco-tourism sites sa Palawan.
Samantala, ipanabatid ni Hagedorn ang malaking pagpapasalamat kay Pangulong Benigno S. Aquino III, mga ahensya ng gobyerno, media at iba pang indibidwal na sumuporta upang mapabilang ang Puerto Princesa Underground River sa Seven Wonders of the World.
Ang mga pahayag ni Hagedorn ay ibinahagi sa Communication and News Exchange Forum na ginanap kaninang umaga, na napanood sa PTV4. (LBR/BJB-PIA4B)
By Brent J. Batalla

Article Type: 
Categories: