CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Peb. 17 (PIA) -- Naghanda ang mga miyembro ng Gender and Development (GAD) ng mga aktibidades para sa selebrasyon ng buwan ng kababaihan.

“Women weathering climate change: Governance and accountability, everyone’s responsibility,” ang napiling tema ng selebrasyon sa buwan ng Marso.

Hinihimok ni Norma Arieta, chairperson ng GAD, ang lahat ng mga kababaihang empleyado ng pamahalaang panlalawigan na lumahok sa mga isasagawang aktibidades para makatulong na rin sa pagpapalaganap ng karapatan ng kababaihan at para mapalaganap ang tema ng selebrasyon.

Ang isang buwang selebrasyon ay sisimulan sa ika-8 ng Marso, ang itinakdang ‘International Women’s Day,’ sa pamamagitan ng isang banal na misa na susundan ng parada sa Capitol grounds. Isang programa ang gaganapin pagkatapos ng parada na inaasahang dadaluhan ng mga opisyales ng pamahalaang panlalawigan at mga miyembro ng sangguniang panlalawigan partikular ang mga kababaihang mambabatas.

Samantala, ilan pa sa mga natukoy na aktibidades na isasagawa ay women health forum, Tabuan, “Feel Good, Look Good” kung saan tampok ang pagbibigay ng iba’t ibang serbisyo sa mga empleyado tulad ng facial, manicure, pedicure, foot spa at iba pa, serbisyong pangkalusugan tulad ng bloodletting, pap smear, fasting blood sugar at iba pa. (PIO/OCJ/TBO/PIA4B)

By Orlan C. Jabagat

Categories: