CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Masayang pinasalamatan ni City Mayor Lucilo R. Bayron ang mga pagbati at papuri sa Pamahalaang Lungsod kaugnay ng tinanggap kamakailan na Seal of Good Local Governance at Good Financial Housekeeping na ipinagkaloob ng Department of Interior and Local Government  para  sa taong  2014.

 

Ang paghanga sa magandang pamamalakad ni Mayor Bayron sa pamahalaang lokal ng Puerto Princesa ay nagbuhat sa mga dumadalaw na opisyal ng mga Liga ng Barangay sa mga lalawigan ng Laguna, Albay, Sorsogon,Camarines  Sur at Lanao del Norte na halos magkakasunod na dumating  para sa kanilang “Lakbay-Aral”.

 

Ang mga papuri ay sinuklian ng alkalde ng mapagpakumbabang pasasalamat para sa mga mamamayan kung saan ay sinabi niyang ang mga karangalang ito ay sa kanila inihahandog.

 

Sa briefing na pinangasiwaan ni City Tourism Officer Cynthia Aileen Amurao, ipinaliwanag sa mga panauhin na sinimulan ni Mayor Bayron ang pagsasaayos sa kalagayan ng pananalapi ng siyudad matapos manahin sa nagdaang administrasyon ang P663-M cash deficit base sa annual COA report na ngayon ay nabawasan na ng  mahigit P200-M sa unang anim na buwan ng kanyang administrasyon. Inaasahang mababawasan pa ng P200-M deficit sa pagpasok ng susunod na COA annual report.

 

Bukod sa P663-M cash deficit ay minana din ng alkalde ang P1.5 bilyong pagkakautang ng siyudad sa iba’t ibang financial institutions. Subalit mula noong Hulyo 2013 hanggang Disyembre 2014 ay nabawasan ng administrasyon ni Bayron ng P572-M ang pagkakautang.

 

Ang mga panauhing umaabot sa mahigit sa 200 opisyal ng barangay sa magkakahiwalay na grupo ay nagpahayag ng paghanga sa katatagan ni Mayor Bayron na maghigpit muna ng sinturon upang masunod ang mga alituntunin sa wastong paggugol sa salapi ng bayan.

 

Naniniwala si Bayron na ang hindi pagpapabaya ng kanyang administrasyon na mabayaran ang contractual obligations mula 2010 hanggang 2013 na umaabot sa P159-M ang isa sa mga naging batayan sa pagkakaloob sa pamahalaang lungsod ng mga nabanggit na parangal.

 

Sa isang panayam ay binigyang-diin ng alkalde na hindi magiging maluho sa pananalapi ang kanyang administrasyon, bagkus ay tinitiyak niyang hindi magkakaroon ng cash deficit ang city hall habang napapataas ang kuleksiyon sa business tax at napapasigla ang real property tax collection.

 

Idinugtong  ng  punong-lungsod na sa ngayon pa lamang ay mayroon nang deposito na P50-M  ang siyudad sa ilalim ng tinatawag na high-yielding savings account  na ayon na rin sa treasurer’s office ay ngayon lamang nangyari ito sa loob ng 20 taon. 

 

Maliban sa mga Liga ng Barangay na walang patlang sa pagdalaw sa Puerto Princesa ay patuloy din ang pagdagsa ng mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa Kamaynilaan bago nagtapos ang kanilang mga klase noong nakaraang buwan.

 

Ngayong bakasyon ay inaasahang mas marami pa ang mga bibisita sa  Puerto Princesa, isang pagpapatunay sa patuloy na pag-unlad ng industriya ng turismo sa lungsod.

 

 

 

 

Article Type: 
Categories: