CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Puerto Princesa, April 28 CIO - Dinagsa ng tinatayang 5,000 katao ang unang bugso ng political rally ni City Mayor Lucilo R. Bayron sa pagsisimula ng 2 linggong kampanya para sa nakatakdang recall election sa Mayo 8.

 

Ang rally na nagtagal ng 3 oras sa Puerto Princesa baywalk ay binuksan ng mga nagsalitang kinatawan ng iba’t ibang sektor na pawang naglabas ng kanilang mga hinanakit sa umano’y kawalan ng paglingap ng dating alkalde para sa kanilang kapakanan tulad ng privatization ng 2 palengke, bus and jeepney terminal at slaughterhouse, na ayon sa kanila ay mistulang ipinagbili ng nagdaang administrasyon ang kanilang kinabukasan at lubhang nakaapekto sa kanilang marangal na paghahanapbuhay.

 

Ang kalagayan ng 4 na pasilidad ng lungsod ay nasa hukuman ngayon pagkaraang maghabol ang pribadong korporasyon na namamahala nito matapos kumilos ang administrasyon ni Mayor Bayron na pawalang bisa ang kontrata bunsod ng maraming paglabag sa mga nakasaad dito tulad ng nabigong pagsasaayos sa mga ito.

 

Ang mga grupo naman ng mga magulang, kababaihan at estudyante ay nagpasalamat sa ayudang pinansiyal sa mga mag-aaral na kabataan mula pre-school hanggang mataas na paaralan at pagkakaloob ng scholarship sa kolehiyo.

 

Nagpahayag din ng labis na kagalakan ang hanay ng mga PWDs (persons with disability) sa pagkakaloob ng alkalde ng pondong p7.5-m para sa kanilang operasyon na naging daan upang makaahon sa gipit na kalagayan sa pagtulong sa kapuwa dahil sa napakaliit lamang na pondong p400,000 na ipinagkakaloob ng nagdaang administrasyon.

 

Sa mensaheng binigkas ni Mayor Bayron, pahapyaw niyang inilahad ang pinag-ugatan ng petisyon para sa recall. Aniya, ang pangunahing layunin nito ay maprotekhan ang mga negosyo at interes ng administrasyong kanyang hinalinhan kung kaya’t nanggagalaiti ang mga ito na mapasakamay ang lahat ng posisyon sa siyudad.

 

Sa kasalukuyan, wika ng alkalde, ay mayroon silang nakaupong kongresista na ang anak ay siyang presidente ng liga ng mga barangay sa Puerto Princesa. Kung papalarin umano na maagaw ang kanyang puwesto ay hindi malayong pilitin ding mailagay sa puwesto ang isa pang kaanak na natalo sa pagka-bise-alkalde noong nakaraang eleksiyon.

 

Idinagdag ni Mayor Bayron na sa ganitong paraan ay magpapatuloy ang kanilang paghahari-harian upang magpakasasa sa kaban ng bayan.

 

Magugunita na kamakailan lamang ay sinampahan ng p65-m million plunder case ang kanyang pangunahing katunggali sa pulitika kasunod ng mga iregularidad  sa mga transaksiyon sa City Hall na natuklasan ng Commission  on Audit(COA) bukod pa sa ibang mga usapin na pawang nakahain sa Office of the Ombudsman.

 

Nagpaabot si Mayor Bayron ng pasasalamat sa lahat ng mga sumusuporta sa kanyang administrasyon kasabay ng paghahayag ng lubos na tiwala sa mga mamamayan na nagising na sa katotohanan na habang nilulustay ang salapi ng bayan at nagtatampisaw  sa luho at karangyaan ang mga sakim sa kapangyarihan ay patuloy na nalulugmok sa kahirapan ang maraming kababayan.

 

Ayon sa alkalde, kung nais ng taongbayan na maipagpatuloy ang mga nasimulang mga programa at proyekto sampu ng pagbabago sa pamamahala sa City Government ay marapat lamang na matapos niya ang 3-taong serbisyo na ipinagkatiwala sa kanya ng mahigit sa 44,000 botante noong nakaraang halalan

 

Noong nakaraang buwan ay iginawad ng DILG ang parangal na 2015 Good Local Governance at Good Financial Housekeeping  award dahil magandang pagpapatakbo sa pamahalaang lokal at pangangasiwa sa pananalapi ng lungsod.

 

Ang iba pang nagpahayag ng lubos na suporta sa liderato ni Mayor Bayron ay sina Vice-Mayor Luis Marcaida III, Councilor Jimbo Maristela at dating Konsehal Feliboy Oliveros.

 

 

 

Article Type: 
Categories: