
#SaveThePuertoPrincesaBays || IKA-18 EPISODE NG SAVE THE PUERTO PRINCESA BAYS, MULING AARANGKADA NGAYONG MAYO A-NUEBE
Bilang bahagi ng patuloy na pangangalaga sa kalikasan, nagsagawa ng coordination meeting ang Pamahalaang Panlungsod ngayong Abril 30 sa City Mayor’s Office kaugnay ng muling pagsasagawa ng ika-18 episode ng Save the Puerto Princesa Bays. Dinaluhan ito ng iba’t ibang tanggapan ng lungsod, uniformed personnel, at mga kapitan ng coastal barangays upang pagtibayin ang kolektibong hakbang sa rehabilitasyon at pangangalaga ng baybayin.
Layunin ng programa na higit pang palakasin ang kamalayan at aktibong pakikilahok ng komunidad sa laban kontra polusyon sa karagatan. Hindi lamang ito nakatuon sa paglilinis ng baybayin, kundi pati sa pagsusulong ng kalusugan, kaligtasan, at kabuhayan ng mga pamayanang umaasa sa yamang-dagat.
Gaganapin ang aktibidad sa Mayo 9 sa Mendoza Amphitheater, kung saan inaasahang magsasama-sama ang mga kalahok mula sa iba’t ibang sektor. Magsisilbing panimula ang Zumba activity bilang warm-up, kasunod ang mga pagtatanghal mula sa local performers, at mga mensahe ng suporta mula sa mga panauhing pandangal, kabilang ang punong ehekutibo ng lungsod.
Bahagi rin ng programa ang pagpapatuloy ng “Scoop Basura Version 4.0,” isang inisyatibong naghihikayat sa mga coastal barangays na mag-organisa ng kani-kanilang grupo para sa pangongolekta ng basura sa baybayin, kapalit ng insentibong maaaring mapanalunan. Ito ay konkretong hakbang upang maisulong ang disiplina sa waste management at community ownership sa pangangalaga ng kapaligiran.
Batay sa tala ng Solid Waste Management Office, umabot sa mahigit 800 tonelada ng basura ang nakolekta mula sa mga nakaraang aktibidad ng Save the Puerto Princesa Bays, patunay sa lumalawak na pakikiisa ng komunidad sa adbokasiyang pangkalikasan.
Sa muling pagbabalik ng programa, inaanyayahan ang lahat ng mamamayan, lalo na ang mga eco-warriors at volunteers mula sa iba’t ibang sektor, na makiisa sa layuning mapanatili ang kalinisan ng baybayin at maprotektahan ang mayamang karagatan ng Puerto Princesa para sa susunod na henerasyon. #SaveThePPCBays #PuertoPrincesaBaywalk #PuertoPrincesaCity
