TAGUMPAY NG PHILIPPINE DRAGON BOAT TEAM SA JAPAN, IPINAGDIWANG SA PUERTO PRINCESA

BalitangIsports || TAGUMPAY NG PHILIPPINE DRAGON BOAT TEAM SA JAPAN, IPINAGDIWANG SA PUERTO PRINCESA

Ricky Obligar, CIO Balita

Mula sa malalakas na hampas ng sagwan sa karagatan ng Kyoto, Japan, hanggang sa palakpakan sa flag ceremony ng Puerto Princesa City, ipinagdiwang ang tagumpay ng Philippine Dragon Boat National Team matapos nitong mag-uwi ng apat na medalya sa 2026 Asian Dragon Boat Championships.

Pinarangalan ang mga miyembro ng national team sa flag ceremony noong Agosto 17, 2026 sa New Green City Hall bilang pagkilala sa karangalang kanilang iniuwi para sa bansa matapos ang kompetisyong ginanap sa Kyoto, Japan noong Agosto 6–8, 2026.

Hindi lamang medalya ang dala ng kanilang tagumpay. Para sa mga atleta, naging bunga ito ng matinding paghahanda, tuloy-tuloy na pagsasanay, at suporta mula sa mga taong naging bahagi ng kanilang paglalakbay tungo sa international competition.

Nasungkit ng Philippine Dragon Boat National Team ang gold medal sa Men’s 500 meters, habang nag-uwi naman ito ng tatlong silver medals sa Mixed 500 meters, Men’s 200 meters, at Mixed 200 meters.

Sa likod ng bawat medalya ay ang mga coach na gumabay sa koponan sa kanilang paghahanda—sina Ojay Fuentes, John James Pelagio, Romy John Dionio, Usman Anterola, at Ronald Tan.

Nakatulong din sa kanilang paghahanda ang training center na ipinagkaloob ni Mayor Lucilo R. Bayron sa Barangay Iwahig, na nagsilbing lugar para sa kanilang tuloy-tuloy na pagsasanay bago ang kompetisyon.

Sa gitna ng matinding init at mahihigpit na training program, pinanday ng mga atleta ang kanilang pisikal na lakas, tibay, disiplina, at pagkakaisa—mga katangiang mahalaga sa dragon boat racing kung saan kailangang sabay-sabay ang bawat paghampas ng sagwan upang maabot ang finish line.

Buo rin ang suportang ipinagkaloob ng Philippine Sports Commission (PSC) sa koponan bilang bahagi ng paghahanda nito sa international competition.

Sa ginanap na pagkilala, kasama ni Mayor Bayron ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod na sina Konsehal Victor Oliveros, Epitacio Lao, Jr., Gerry Abad, Laddy Gemang, Karl Dylan Aquino, at Patrick Alex Hagedorn, gayundin ang mga department heads at empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa.

Kasama ring pinarangalan si Leonora “Len” Escollante, coach at president ng Philippine Paddling Federation, na naging bahagi ng paggabay sa koponan.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Coach Len Escollante kay Mayor Bayron para sa patuloy na tulong at suportang ipinagkakaloob sa mga atleta at nangakong sa darating na Oktubre ay magiging matagumpay muli ang pag-arangkada ng Dragonboat Festival sa siyudad.

Ang tagumpay ng Philippine Dragon Boat National Team ay nagpapakita na ang pag-abot sa international stage ay hindi lamang bunga ng husay ng mga atleta. Nabubuo ito sa pagsasanib ng disiplina ng mga manlalaro, dedikasyon ng coaches, suporta ng pamahalaan at sports organizations, at pagkakaroon ng lugar at pagkakataong makapagsanay nang maayos. #PuertoPrincesaCity #DragonBoat

Similar Posts