
“Subaraw Biodiversity Festival 2026 is a great success.”
Ito ang naging mensahe ni Mayor Lucilo R. Bayron kasabay ng pagbati niya sa lahat ng nakiisa sa festival sa Closing Program and Awarding Ceremony noong Nobyembre 11, 2026 sa Edward S. Hagedorn Coliseum.
Bago ang programa, pinangunahan ni Mayor Bayron ang Grand Parade mula Robinsons Mall Palawan patungong Edward S. Hagedorn Coliseum bilang bahagi ng pagdiriwang ng Puerto Princesa Underground River (PPUR) Day. Nakiisa sa parada ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan at mga kinatawan ng iba’t ibang sektor. Sumunod na pumarada ang mga kalahok sa Subaraw Headdress, Costumes and Float Parade Competition.
Ayon kay Mayor Bayron, naging makulay, masaya at makabuluhan ang festival dahil sa pagkakaisa at pagtutulungan ng mga taga-Puerto Princesa. Pinasalamatan niya ang mga kalahok, manonood at hurado, pati ang City Events Team na nangasiwa sa mga aktibidad sa bayan at ang PPSRNP Team na nag-asikaso sa mga aktibidad sa Sitio Sabang.
Binalikan din ng alkalde kung bakit ipinagdiriwang ang PPUR Day tuwing Nobyembre 11. Ito ang araw ng paggunita sa pagkakadeklara sa Puerto Princesa Underground River bilang isa sa New Seven Wonders of Nature. Para kay Mayor Bayron, paalala rin ang festival na may papel ang bawat isa sa pag-aalaga ng kalikasan.
“Bawat isa sa atin, mayroong tungkulin, mayroong responsibilidad na pangalagaan natin ang ating kapaligiran,” ani Mayor Bayron.
Ayon kay Mayor Bayron, isa nang national event ang Subaraw, patunay ang pagsali ng mga kalahok mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Target niyang maging international event ang festival. Para mas mapaganda pa ang Subaraw sa 2027, sinabi niyang gagamitin ng lungsod ang mga natutuhan sa pagdiriwang ngayong taon.
“Ang Subaraw 2026, ganito ang taas. 2027, dapat mas mataas pa because we are learning from experience,” dagdag niya.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hinikayat ni Mayor Bayron ang Pamahalaang Lungsod at mga mamamayan na ipagpatuloy ang pagtutulungan.
“Pagtulungan natin ito. Ito ay alay natin sa susunod na henerasyon,” ani Mayor Bayron.
