
#𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚𝐧𝐠𝐊𝐚𝐥𝐮𝐬𝐮𝐠𝐚𝐧 || 𝐌𝐄𝐆𝐀 𝐎𝐏𝐄𝐑𝐀𝐓𝐈𝐎𝐍 𝐓𝐔𝐋𝐈, 𝐍𝐀𝐆𝐇𝐀𝐓𝐈𝐃 𝐍𝐆 𝐋𝐈𝐁𝐑𝐄𝐍𝐆 𝐒𝐄𝐑𝐁𝐈𝐒𝐘𝐎𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐍𝐆𝐊𝐀𝐋𝐔𝐒𝐔𝐆𝐀𝐍 𝐒𝐀 𝟗𝟎𝟖 𝐊𝐀𝐁𝐀𝐓𝐀𝐀𝐍
𝐉𝐀𝐒𝐌𝐈𝐍 𝐌𝐀𝐘𝐀 𝐃𝐔𝐄Ñ𝐀𝐒-𝐄𝐒𝐓𝐈𝐀𝐍𝐃𝐀𝐍, 𝐂𝐈𝐎 𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚
Matagumpay na naisagawa ang dalawang araw na Mega Operation Tuli na may temang “Magpatuli para Pogi,” sa pangunguna ng Tarabidan sa Kalusugan Program ng City Health Office, katuwang ang iba’t ibang ahensyang pangkalusugan at serbisyong medikal.
Isinagawa ang programa sa Edward S. Hagedorn Coliseum kung saan umabot sa 908 kabataang lalaki ang direktang nakinabang sa libreng serbisyong tuli. Higit pa sa pagiging isang tradisyunal na gawain, ang programang ito ay nakatuon sa pagpapalaganap ng wastong kaalaman at pangangalaga sa kalusugan ng mga kabataang lalaki.
Ayon kay Assistant City Health Officer Dr. Dean Palanca, ang circumcision ay mahalagang hakbang sa pagpapanatili ng kalinisan ng maselang bahagi ng katawan. Nakakatulong ito upang maiwasan ang impeksiyon at iba pang karamdaman, kaya’t may malaking ambag ito sa pangkalahatang kalusugan at kapakanan ng isang benepisyaryo.
Sa ika-apat na taon ng implementasyon ng Operation Tuli sa lungsod, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga kalahok—isang malinaw na indikasyon ng lumalawak na kamalayan ng komunidad sa kahalagahan ng serbisyong ito. Ipinapakita rin nito ang tiwala ng publiko sa mga programang pangkalusugan na inihahatid ng pamahalaang lungsod.
Bukod sa libreng operasyon na isinagawa ng mga bihasang doktor, nars, at midwife, tumanggap din ng libreng gamot ang mga pasyente. Mahigpit ding isinagawa ang post-operation monitoring upang matiyak ang kaligtasan at maayos na kondisyon ng bawat bata bago sila payagang makauwi kasama ang kanilang mga magulang o guardian. Nagbigay rin ng paalala hinggil sa tamang pag-aalaga ng sugat upang maiwasan ang komplikasyon at matiyak ang mabilis na paggaling.
Patuloy na isusulong ng pamahalaang lungsod ang Mega Operation Tuli bilang bahagi ng mas pinalakas na kampanya sa preventive healthcare. Layunin nitong hindi lamang magbigay ng agarang serbisyong medikal kundi maiwasan din ang paglala ng mga karamdaman sa pamamagitan ng maagap na interbensiyon.
Sa huli, pinagtitibay ng programang ito ang paniniwala na ang isang malusog na mamamayan ay pundasyon ng isang maunlad at matatag na pamayanan.
#GabayPangkalusugan #PuertoPrincesaCity
