MAYOR BAYRON SA INAGURASYON NG STANDARD DAY CARE CENTER SA IRAWAN: MAHALAGA ANG EDUKASYON UPANG MAPUTOL ANG β€˜VICIOUS CYCLE OF POVERTY’

Sa pagpapasinaya ng Standard Day Care Center sa Barangay Irawan ngayong araw, binigyang-diin ni Mayor Lucilo R. Bayron ang kahalagan ng edukasyon upang maputol ang ‘vicious cycle of poverty.’

“Ang isang paraan para maputol ang vicious cycle of poverty, kailangan ma-educate ang mga anak. Kung hindi man nakapag-aral ang magulang, kailangang makapag-aral ang mga anak. Itong Day Care Center, ito ay unang hakbang sa edukasyon,” pahayag ni Mayor Bayron.

Dagdag pa ng alkalde, susi ang edukasyon para sa magandang kinabukasan ng mga batang Puerto Princesan. Kaya naman laking pasasalamat ng pamunuan ang Barangay Irawan sa ganitong uri ng proyekto na nagtataguyod sa kapakanan at pag-unlad ng mga bata.

“Talagang excited na excited na po mga bata. Kami po ay tuwang-tuwa dahil nakita naman po natin kung gaano po kaganda ‘yung building, may playground pa po. Maraming, maraming salamat po, Mayor,” pasasalamat ni Kap. Rosana Araneta, punong barangay ng Barangay Irawan.

Kasabay naman ng pagtanggap ng symbolic key sa ceremonial turnover ay ang pangakong pakaiingatan ang naturang pasilidad.

“Kami po ay nangangako na ito pong building na ito ay iingatan namin dahil hindi lamang ang batch na ito ang makikinabang rito. Sa tibay ng building na ito, marami pang bata ang makikinabang at ma-dedevelop dito,” pahayag nu Child Development Worker Ana Maria Buado.

Ito ay may playground, kusina, perimeter fence, at iba pang pasilidad na idinisenyo upang matiyak ang kaligtasan, kaginhawahan, at pangangailangan ng mga batang gagamit ng Day Care Center.

Higit pa sa isang gusali, sumasalamin ang proyektong ito sa hangarin ni Mayor Bayron na mabigyan ang mga batang Puerto Princesan ng matibay na pundasyon sa kanilang murang edad. Sa pamamagitan ng mga pasilidad na tulad nito, mas nabibigyan ng pagkakataon ang mga bata na matuto, maglaro, makisalamuha, at malinang ang kanilang mga kakayahan sa isang ligtas at angkop na kapaligiran.

#MayorLuciloBayron

#PuertoPrincesa

Similar Posts