MAHIGIT 27,000 SERBISYONG PANGKALUSUGAN, NAIHATID NG PAMAHALAANG PANLUNGSOD SA MGA PUERTO PRINCESAN NITONG HUNYO

#BalitangKalusugan || MAHIGIT 27,000 SERBISYONG PANGKALUSUGAN, NAIHATID NG PAMAHALAANG PANLUNGSOD SA MGA PUERTO PRINCESAN NITONG HUNYO

Maya Estandian, CIO Balita

Patuloy na pinalalawak ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa, sa pamamagitan ng City Health Office (CHO), ang paghahatid ng de-kalidad, abot-kaya, at komprehensibong serbisyong pangkalusugan matapos makapagbigay ng mahigit 27,000 health services sa mga residente sa loob lamang ng buwan ng Hunyo 2026.

Patunay ito ng patuloy na pagpapatibay ng administrasyon sa mga programang pangkalusugan upang matiyak na mas maraming Puerto Princesan ang magkaroon ng access sa maagap, maayos, at episyenteng serbisyong medikal.

Batay sa tala ng CHO, umabot sa 3,813 outpatient consultations, 301 emergency cases, at 2,331 health cards ang naiproseso sa loob ng buwan.
Kabilang din sa mga serbisyong patuloy na napakikinabangan ng publiko ang 1,509 dental services, 997 animal bite consultations, 81 TB-DOTS services, 3,983 laboratory examinations kabilang ang urinalysis, stool examination, complete blood count (CBC), blood chemistry, at blood typing, gayundin ang 4,653 pasyente na nabigyan ng libreng gamot sa pamamagitan ng Pharmacy Unit.

Nagpatuloy rin ang pagbibigay ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan tulad ng maternal and child health, family planning, immunization, social hygiene, radiology and imaging, environmental sanitation, at population services. Samantala, nakapagtala ang Health Emergency Response Operations (HERO) ng 808 emergency transport responses, habang ang CHO Birthing Facility ay nakapagbigay ng 60 maternal at newborn care services, kabilang ang 11 ligtas na panganganak.

Ayon sa City Health Office, ang mga serbisyong ito ay bunga ng sama-samang dedikasyon ng mga doktor, dentista, nars, medical technologists, at iba pang healthcare workers na araw-araw na nagsisilbi upang mapangalagaan ang kalusugan ng bawat Puerto Princesan. Patuloy ding pinahuhusay ng tanggapan ang mga sistema at proseso upang maging mas mabilis, episyente, at mas accessible ang paghahatid ng serbisyong medikal.

Bilang bahagi ng pagpapabuti ng serbisyo, alas-6:00 ng umaga na ang pamamahagi ng queue numbers sa CHO Medical Complex mula sa dating alas-8:00 ng umaga upang mas maagang masimulan ang konsultasyon at iba pang serbisyong medikal.

Pinaaalalahanan din ng CHO ang publiko na hindi na kinakailangang pumila nang madaling-araw, dahil ang lahat ng pasyente ay bibigyan ng kaukulang serbisyong medikal batay sa tamang proseso ng registration, consultation, at triage.

Sa patuloy na pagpapalawak at pagpapahusay ng mga programang pangkalusugan, nananatiling layunin ng Pamahalaang Panlungsod na mailapit ang de-kalidad na serbisyong medikal sa bawat mamamayan at makapag-ambag sa pagbuo ng isang mas malusog, mas matatag at mas Progresibong Puerto Princesa. #GabayPangkalusugan #CityHealthOffice #PuertoPrincesaCity

Similar Posts