
BalitangKaligtasan || EQUIPMENT DISPLAY AT RAPPELLING, NAGPALAKAS NG KAMALAYAN SA DISASTER PREPAREDNESS
Amie Bonales, CIO Balita
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month ngayong Hulyo na may temang “Naghahanda at Kumikilos Tungo sa Panatag na Bagong Pilipinas,” nagsagawa ang Puerto Princesa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa pangunguna ni Mr. Earl Timbancaya ng iba’t ibang information at capability demonstration activities upang higit na mapalawak ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng paghahanda sa sakuna.
Kabilang sa mga tampok na aktibidad ang static display ng rescue equipment, photo at video exhibits, tsunami information campaign, at rappelling demonstration mula sa ikatlong palapag ng New Green City Hall na dinaluhan ng mga empleyado, mag-aaral, at iba pang mga bisita.
Ipinamalas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang mga kagamitang ginagamit sa maritime search and rescue, oil spill response, medical rescue, communication operations, at K9 Search and Rescue sa pangunguna ng working dog na si Mimmie. Samantala, itinampok naman ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang iba’t ibang specialized rescue equipment para sa urban search and rescue, technical rescue, at hazardous incidents.
Isa sa mga pinakainabangang bahagi ng programa ang rappelling activity, kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na maranasan ang tamang paggamit ng rescue ropes at harness sa gabay ng mga personnel ng CDRRMO at BFP. Naging kapana-panabik din ito para sa mga mag-aaral at iba pang bisitang dumalo na nasaksihan ang kahalagahan ng tamang pagsasanay sa emergency response.
Kasabay nito, ibinahagi rin ng CDRRMO ang mga larawan ng aktwal na rescue at disaster response operations, paggamit ng drone technology sa search and rescue, at mga video presentation na nagbibigay ng mahahalagang kaalaman sa kaligtasan at kahandaan sa panahon ng kalamidad.
Sa pamamagitan ng mga gawaing ito, patuloy na isinusulong ng pamahalaang panlungsod ang pagpapalakas ng kultura ng kahandaan at katatagan sa bawat Puerto Princesan, upang ang bawat mamamayan ay maging handa, may sapat na kaalaman, at may kakayahang tumugon sa anumang sakuna. #CDRRMOPPSCity #PuertoPrincesaCity
