




































#BalitangKalusugan || IKA-52 PAGDIRIWANG NG NUTRITION MONTH SA PUERTO PRINCESA, UMARANGKADA
Maya Estandian, CIO Balita
Pormal nang inilunsad ng City Nutrition Division ng City Health Office ang pagdiriwang ng ika-52 Nutrition Monthsa Puerto Princesa sa RVM Sports Complex noong Hulyo 10. Sa kabila ng malakas na ulan, naging matagumpay ang programa na dinaluhan ng mga Barangay Nutrition Scholars (BNS), City Nutrition Council, City Nutrition Program Coordinators, at mga opisyal ng barangay, bilang pagpapakita ng sama-samang suporta sa pagsusulong ng wastong nutrisyon sa komunidad.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Assistant City Health Officer Dr. Dean Palanca ang kahalagahan ng tamang nutrisyon, lalo na sa unang 1,000 araw ng buhay ng isang bata, bilang pundasyon ng malusog na paglaki at pag-unlad. Samantala, muling tiniyak ni Konsehal Gerry Abad, Chairperson ng Committee on Health, ang patuloy na suporta ng Pamahalaang Lungsod sa mga programang naglalayong mapabuti ang kalusugan at nutrisyon ng bawat Puerto Princesan.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, nagkaroon ng mga patimpalak tulad ng BNS Nutri-Headdress Competition, BNS Got Talent, at Miss Nutri-Earth 2026, kung saan nagpakitang-gilas ang walong cluster na kumakatawan sa 66 barangay ng lungsod. Nagsagawa rin ng Kadiwa ng City Agriculture Office at healthy food exhibit upang hikayatin ang publiko sa pagpili ng masustansyang pagkain.
Magpapatuloy ang iba’t ibang Nutrition Month activities sa mga barangay sa buong Hulyo bilang bahagi ng layunin ng pamahalaang lungsod na palakasin ang kamalayan ng bawat pamilya sa kahalagahan ng wastong nutrisyon at malusog na pamumuhay bilang pundasyon ng isang mas produktibo at progresibong Puerto Princesa. #CityHealthOffice #PuertoPrincesaCity
