
































#𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚𝐧𝐠𝐊𝐚𝐥𝐮𝐬𝐮𝐠𝐚𝐧 || 𝐂𝐀𝐑𝐄 𝐏𝐎𝐈𝐍𝐓 𝐇𝐈𝐕 𝐓𝐑𝐄𝐀𝐓𝐌𝐄𝐍𝐓 𝐇𝐔𝐁 𝐍𝐆 𝐏𝐔𝐄𝐑𝐓𝐎 𝐏𝐑𝐈𝐍𝐂𝐄𝐒𝐀, 𝐃𝐎𝐇-𝐀𝐂𝐂𝐑𝐄𝐃𝐈𝐓𝐄𝐃 𝐍𝐀; 𝐋𝐈𝐁𝐑𝐄𝐍𝐆 𝐆𝐀𝐌𝐔𝐓𝐀𝐍 𝐏𝐀𝐑𝐀 𝐒𝐀 𝐏𝐄𝐑𝐒𝐎𝐍𝐒 𝐋𝐈𝐕𝐈𝐍𝐆 𝐖𝐈𝐓𝐇 𝐇𝐈𝐕, 𝐈𝐋𝐀𝐋𝐀𝐏𝐈𝐓 𝐒𝐀 𝐊𝐎𝐌𝐔𝐍𝐈𝐃𝐀𝐃
𝐌𝐚𝐲𝐚 𝐄𝐬𝐭𝐚𝐧𝐝𝐢𝐚𝐧, 𝐂𝐈𝐎 𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚
Mas pinalalakas ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa, sa pamamagitan ng City Health Office (CHO), ang programa nito laban sa HIV matapos opisyal na ma-accredit ng Department of Health (DOH) – Center for Health Development MIMAROPA ang Care Point HIV Treatment Hub sa loob ng Social Hygiene Clinic sa Puerto Princesa Medical Complex bilang isang HIV Treatment Facility.
Sa akreditasyong ito, maaari nang magbigay ang pasilidad ng libreng Antiretroviral Therapy (ART) sa mga Persons Living with HIV (PLHIV). Ang ART ay mahalagang gamutan na nagpapababa ng HIV virus sa katawan, nagpapalakas ng resistensya, at nakatutulong upang maiwasan ang paglala ng sakit at ang posibilidad ng paglipat nito sa iba.
Bukas ang Social Hygiene Clinic at Care Point HIV Treatment Hub tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, at tumatanggap ng walk-in clients at referrals. Libre ring ibinibigay ang HIV screening, confirmatory testing, STI laboratory services, counseling, treatment adherence support, at iba pang serbisyong pangkalusugan kaugnay ng HIV at sexually transmitted infections.
Bilang bahagi ng programa, tinitiyak din ng City Health Office ang mahigpit na pagiging kompidensyal ng bawat kliyente sa pamamagitan ng isang pribado at ligtas na pasilidad para sa konsultasyon at gamutan.
Dahil nananatiling may naitatalang mga kaso ng HIV sa lungsod, hinihikayat ng CHO ang mga indibidwal na may panganib na mahawa na samantalahin ang libreng pagsusuri at serbisyong medikal. Binibigyang-diin ng tanggapan na ang maagang pagpapasuri at agarang gamutan ang susi upang mapanatiling malusog at produktibo ang mga taong may HIV at maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon sa komunidad.
Sa patuloy na pagpapalawak ng access sa libre, ligtas, at dekalidad na serbisyong pangkalusugan, isinusulong ng pamahalaang panlungsod ang isang mas malusog, mas inklusibo, at HIV-aware na Puerto Princesa. #CityHealthOffice #PuertoPrincesaCity #HIVAwareness
