|

πŒπ€π‡πˆπ†πˆπ“ 𝟐𝟎𝟎 π’πˆπŠπ‹πˆπ’π“π€, ππ€πŠπˆπˆπ’π€ 𝐒𝐀 πŸπŸŽπŸπŸ” 𝐅𝐔𝐍 ππˆπŠπ„ 𝐍𝐆 π‚πˆπ“π˜ 𝐇𝐄𝐀𝐋𝐓𝐇 πŽπ…π…πˆπ‚π„

BalitangKalusugan || 𝐌𝐀𝐇𝐈𝐆𝐈𝐓 𝟐𝟎𝟎 𝐒𝐈𝐊𝐋𝐈𝐒𝐓𝐀, 𝐍𝐀𝐊𝐈𝐈𝐒𝐀 𝐒𝐀 𝟐𝟎𝟐𝟔 𝐅𝐔𝐍 𝐁𝐈𝐊𝐄 𝐍𝐆 𝐂𝐈𝐓𝐘 𝐇𝐄𝐀𝐋𝐓𝐇 𝐎𝐅𝐅𝐈𝐂𝐄

Maya Estandian, CIO Balita

Matagumpay na naisagawa ang 2026 Fun Bike na pinangunahan ng City Health Office (CHO) sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) program noong Marso 28 sa Balayong Park Amphitheater.
Mahigit 200 siklista ang nakiisa sa 20 kilometrong ruta na naglalayong isulong ang aktibong pamumuhay at pangkalahatang kalusugan ng komunidad. Kabilang sa mga kalahok ang mga empleyado ng pamahalaang panlungsod, mga kinatawan mula sa Philippine Navy, Philippine National Police (PNP), at Armed Forces of the Philippines (AFP), gayundin ang mga estudyante at iba’t ibang cycling groups sa lungsod, kabilang ang mga dumayo pa mula sa bayan ng Narra.
Naging mas makulay ang aktibidad sa pamamahagi ng mga tumbler sa bawat kalahok bilang suporta sa kanilang pagbibisikleta at pagpapanatili ng hydration habang pumapadyak.

Kinilala rin ang mga natatanging kalahok, kabilang si Jazzer Sheldon Nangit, 8 taong gulang at mag-aaral ng Manuel Austria Memorial Elementary School, bilang pinakabatang kalahok. Ayon sa kanya, nagsimula siya sa paggamit ng BMX bike at ngayo’y gumagamit na ng road bike.

Samantala, kinilalang pinakamatandang kalahok si Isidro Beltran, 77 taong gulang mula sa Barangay San Miguel, na nagsimulang magbisikleta noong 1983 sa Tour of Palawan at patuloy pa ring aktibo hanggang sa kasalukuyan. Itinanghal naman bilang may pinakamalaking delegasyon ang grupong “Bike for Health.”

Ayon kay Assistant City Health Officer Dr. Dean Palanca, bahagi ng regular na programa ng CHO-UHC ang pagsasagawa ng fun bike upang hikayatin ang publiko na maging mas aktibo at yakapin ang mga alternatibong paraan ng ehersisyo tulad ng pagbibisikleta.
Aniya, bukod sa benepisyong pangkalusugan, nagiging daan din ito sa pagpapalakas ng samahan ng komunidad at pagbibigay ng pagkakataong makapaglibot sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Nakilahok din ang City Population Management Office sa aktibidad upang ipalaganap ang kamalayan hinggil sa pangangalaga sa kalusugan at ang kahalagahan ng responsableng pagpapamilya, lalo na sa mga kabataan.

Patuloy namang hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang publiko na makiisa sa mga programang nagtataguyod ng kalusugan, pagkakaisa, at masiglang pamumuhay.

#PuertoPrincesaCity #GabayPangkalusugan #CityHealthOffice

Similar Posts