102 MAY-ARI NG REAL PROPERTIES, HUMABOL SA PAGBABAYAD NG BACK TAXES

#BalitangIngatYaman || 102 MAY-ARI NG REAL PROPERTIES, HUMABOL SA PAGBABAYAD NG BACK TAXES
Amie Bonales, CIO Balita

Umabot na sa 102 may-ari ng real properties ang nakapagbayad ng kanilang back taxes sa Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa nitong unang araw ng Setyembre.

Dahil dito, hindi na kabilang sa talaan ng mga real property na isasailalim sa public auction sa Setyembre 8, 2026 ang kanilang mga ari-arian.

Samantala, nakatakdang isagawa sa Setyembre 3, alas-1:00 ng hapon, sa 3rd Floor ng New Green City Hall, ang Pre-Bid Conference na pangungunahan ng Tanggapan ng Ingat-Yaman ng Lungsod.

Inaanyayahan ang mga interesadong bidder na dumalo upang malaman ang mga kwalipikasyon at requirements para makalahok sa subasta. Ipaaalam din sa naturang pagpupulong ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng auction, kabilang ang mga batayan kung ang isang bidder ay kwalipikado o diskwalipikado, gayundin ang pinal na talaan ng mga real property na isasailalim sa subasta.

Alinsunod sa mga umiiral na regulasyon, hindi maaaring lumahok bilang bidder ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaang panlungsod, iba pang local government units, gayundin ang mga opisyal at kawani ng pambansang pamahalaan.

Hindi rin maaaring lumahok ang kanilang mga kamag-anak hanggang sa ikaapat na antas ng affinity o consanguinity, maliban sa mga pagkakataong ang real property na isinasailalim sa subasta ay nakatala o pag-aari mismo ng naturang opisyal o empleyado.

Ang mga kwalipikadong bidder ay kinakailangang magbayad ng Auction Sale Registration Fee para sa bawat real property na kanilang lalahukan. Bukod dito, kinakailangan ang ₱2,500 cash bond para sa bawat property na isasailalim sa bidding. Ang cash bond ay non-refundable.

Ang public auction ay isasagawa sa Setyembre 7, 2026, sa Atrium ng New City Hall.
🕐 1:00 PM – Deadline ng pagsusumite o dropping of bids
🕑 2:00 PM – Pagsisimula ng bidding

Sa pinakahuling tala ngayong Setyembre 1, kabuuang 79 na real properties na lamang ang nasa listahan ng mga ari-ariang isasailalim sa public auction.

Para sa mga may-ari ng real properties na may hindi pa nababayarang buwis, mahalagang makipag-ugnayan agad sa Tanggapan ng Ingat-Yaman ng Lungsod upang malaman ang kanilang tax obligations at mga maaaring hakbang bago ang itinakdang auction.

#PuertoPrincesaCity #CityTreasurersOffice

Similar Posts