22 KAWANI NG PAMAHALAANG LUNGSOD, NAKATAPOS SA 3-ARAW NA ADVANCED COMPUTER LITERACY TRAINING

#CIOBalita || 22 KAWANI NG PAMAHALAANG LUNGSOD, NAKATAPOS SA 3-ARAW NA ADVANCED COMPUTER LITERACY TRAINING

Norma Lyn Dave, CIO

Balita Napagtagumapayan ng dalawampu’t dalawang (22) kawani mula sa iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa ang tatlong araw na Advanced Computer Literacy Training na naglalayong palakasin ang kanilang digital skills at kakayahan sa paggamit ng makabagong teknolohiya sa trabaho. Isinagawa ang pagsasanay sa pakikipagtulungan ng Human Resource Management Office (HRMO) ng Pamahalaang Lungsod at Department of Information and Communications Technology (DICT) – Palawan Field Office, sa unang pagkakataon sa ilalim ng pamumuno ni HRMO Officer-in-Charge Atty. Kerwin Arnold Mawie C. Palatino.

Kabilang sa mga tinalakay sa pagsasanay ang paggamit ng E-Gov.Ph application, pagdidisenyo gamit ang Canva, at pag-maximize sa mga pangunahing features ng Microsoft Word at Excel. Bukod sa mga lecture at demonstration, isinagawa rin ang mga hands-on activities upang mabigyan ang mga kalahok ng pagkakataong maisabuhay at mailapat ang mga natutuhang digital tools sa mga gawaing karaniwang isinasagawa sa kanilang mga tanggapan.

Pinangunahan ng mga kawani mula sa DICT ang mga sesyon ng pagsasanay, na nagtapos sa paggawad ng certificates of completion sa mga kalahok. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Atty. Palatino ang kahalagahan ng patuloy na capacity-building ng mga kawani upang higit na mapaunlad ang kanilang kaalaman at kasanayan, lalo na sa paggamit ng teknolohiya bilang bahagi ng mas episyente at epektibong paghahatid ng serbisyo publiko.

Patuloy namang isinusulong ng HRMO ang mga programang nakatuon sa professional development at skills enhancement ng mga kawani ng lokal na pamahalaan, bilang bahagi ng layuning mapalakas ang workforce at mapahusay ang serbisyong naihahatid sa mga mamamayan ng Puerto Princesa.

#DICTPalawan #PuertoPrincesaCity

e-gov.ph

e-gov.ph

Similar Posts