
#𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚𝐧𝐠𝐊𝐚𝐥𝐢𝐤𝐚𝐬𝐚𝐧 || 𝐌𝐆𝐀 𝐁𝐀𝐆𝐎𝐍𝐆 𝐇𝐄𝐀𝐕𝐘 𝐄𝐐𝐔𝐈𝐏𝐌𝐄𝐍𝐓 𝐀𝐓 𝐒𝐀𝐒𝐀𝐊𝐘𝐀𝐍, 𝐃𝐀𝐃𝐀𝐆𝐃𝐀𝐆 𝐒𝐀 𝐏𝐀𝐆𝐏𝐀𝐏𝐀𝐋𝐀𝐊𝐀𝐒 𝐍𝐆 𝐌𝐆𝐀 𝐏𝐑𝐎𝐘𝐄𝐊𝐓𝐎 𝐀𝐓 𝐒𝐄𝐑𝐁𝐈𝐒𝐘𝐎 𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐌𝐀𝐇𝐀𝐋𝐀𝐀𝐍𝐆 𝐋𝐔𝐍𝐆𝐒𝐎𝐃
𝐀𝐦𝐲 𝐁𝐨𝐧𝐚𝐥𝐞𝐬, 𝐂𝐈𝐎 𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚
Binasbasan at inialay sa panalangin ang mga bagong heavy equipment, sasakyan, at iba pang makinarya ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa matapos ang isinagawang Flag Ceremony nitong Hunyo 22, 2026.
Pinangunahan ni Mayor Lucilo Rodriguez Bayron ang naturang programa kasama ang ilang pinuno ng mga tanggapan ng lungsod, kabilang sina City Budget Officer Maria Regina S. Cantillo, City Planning and Development Coordinator Engr. Jovenee C. Sagun, City Environment and Natural Resources Officer Atty. Carlo B. Gomez, at iba pang mga kawani ng pamahalaang lungsod.
Sa pangunguna ni Pastor Angel Salvatierra, inialay ang panalangin para sa ligtas na paggamit ng mga bagong kagamitan at hiniling ang patnubay ng Panginoon upang maging epektibong kasangkapan ang mga ito sa paghahatid ng serbisyo at sa patuloy na pag-unlad ng Puerto Princesa.
Kabilang sa mga bagong kagamitan ang dalawang (2) unit ng Backhoe na may iba’t ibang attachments, isang (1) unit ng Excavator na may walong attachments, at isang (1) unit ng Wheeled Loader with Backhoe na may kabuuang halagang P13,085,000.00. Ang mga ito ay pinondohan mula sa pondo ng City Disaster Risk Reduction and Management Division (CDRRMD) upang higit na mapalakas ang pagtugon ng lungsod sa mga pangangailangan sa imprastraktura at mga sitwasyong pang-emergency.
Samantala, tatanggap naman ang Balayong People’s Park Management ng isang (1) unit na Water Tanker Truck with accessories na nagkakahalaga ng P3,995,000.00, na pinondohan ng City Mayor’s Office. Gagamitin ito para sa beautification at regular na maintenance ng Balayong People’s Park.
Nadagdagan din ang mga kagamitan ng City Engineering Department sa pamamagitan ng isang (1) unit ng Self-Propelled Trimmer, dalawang (2) unit ng Fully Hydraulic Wheel Excavator, at isang (1) unit ng Cleaning Vacuum Tank na may kabuuang halagang P26,835,000.00. Inaasahang makatutulong ang mga ito sa pagpapabilis ng mga proyekto at pagpapanatili ng mga pampublikong imprastraktura sa lungsod.
Kasama rin sa binasbasan ang tatlong (3) unit ng Toyota Lite Ace Pick-Up with Steel Mesh na may kabuuang halagang US$53,271.51, na donasyon mula sa United Nations Development Programme (UNDP) para sa pagpapatupad ng programang Puerto Princesa Circular Economy.
Ang naturang programa ay pinamamahalaan ng City Environment and Natural Resources Office (City ENRO) katuwang ang Eco-Kolek, isang non-government association na nagsusulong ng waste recycling. Gagamitin ang mga sasakyan sa pangangalap at paghahakot ng mga recyclable materials tulad ng plastik, bote, at bakal mula sa tatlong pilot barangay—Sicsican, Sta. Monica, at Tiniguiban—patungo sa pansamantalang imbakan ng Eco-Kolek sa Barangay Sicsican.
Patunay ang pagdaragdag ng mga makabagong kagamitan at sasakyan sa patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa na mapahusay ang paghahatid ng serbisyo publiko, mapalakas ang mga programang pangkalikasan, at maisulong ang mas maunlad at matatag na lungsod para sa lahat. #CityENRO
