
Taos-pusong nagpasalamat ang pamunuan ng Puerto Princesa International Airport kay Mayor Lucilo R. Bayron sa ipinagkaloob na suporta ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa sa pamamagitan ng pagpapahiram ng firetruck at personnel sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) – Puerto Princesa International Airport mula Marso hanggang Hunyo 2026.
Bilang pagkilala sa mahalagang ambag ni Mayor Bayron sa pagpapalakas ng kakayahan ng paliparan sa emergency response at disaster risk reduction, iginawad ni Airport Manager Cristopher G. Enriquez at ng kanyang delegasyon ang isang Certificate of Appreciation. Kinilala rin ng ahensya ang kanyang pamumuno at patuloy na dedikasyon sa pagsusulong ng kaligtasan ng komunidad at pagpapatibay ng ugnayan ng lokal na pamahalaan at mga pambansang ahensya.
Ang pagkilalang ito ay sumasalamin sa patuloy na adhikain ng Pamahalaang Panlungsod na makipagtulungan sa iba’t ibang institusyon upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan at mga biyahero sa progresibong Puerto Princesa.
