
#𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚𝐧𝐠𝐊𝐚𝐥𝐢𝐠𝐭𝐚𝐬𝐚𝐧 || 𝟑𝟖 𝐊𝐀𝐖𝐀𝐍𝐈 𝐍𝐆 𝐋𝐆𝐔 𝐏𝐔𝐄𝐑𝐓𝐎 𝐏𝐑𝐈𝐍𝐂𝐄𝐒𝐀, 𝐒𝐔𝐌𝐀𝐈𝐋𝐀𝐋𝐈𝐌 𝐒𝐀 𝟐-𝐃𝐀𝐘 𝐁𝐀𝐒𝐈𝐂 𝐋𝐈𝐅𝐄 𝐒𝐔𝐏𝐏𝐎𝐑𝐓 𝐓𝐑𝐀𝐈𝐍𝐈𝐍𝐆
𝐑𝐢𝐜𝐤𝐲 𝐎𝐛𝐥𝐢𝐠𝐚𝐫, 𝐂𝐈𝐎 𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚
Sinimulan ang dalawang araw na Basic Life Support (BLS) Training para sa humigit-kumulang 38 kawani ng pamahalaang panlungsod noong Abril 21 at 22, 2026 sa Huel Hotel, Barangay San Manuel, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng kahandaan ng lungsod sa mga emergency o sakuna.
Pinangunahan ng City Health Office (CHO) ang pagsasanay na naglalayong mahasa ang kakayahan ng mga kalahok sa agarang pagtugon sa mga insidenteng nangangailangan ng life-saving interventions tulad ng cardiac arrest, respiratory distress, at iba pang kritikal na sitwasyon.
Sa mensahe ni Nurse VI Romwell Raymundo, Division Chief ng Nursing and Midwifery, binigyang-diin ang kahalagahan ng paglalapat ng mga natutunan sa aktwal na sitwasyon. Ipinaliwanag niya ang mga umiiral na patakaran at legal na batayan ng BLS training, kabilang ang Republic Act 10871 o ang Basic Life Support Training in Schools Act, at iba pang kautusan ng Department of Health (DOH) na nagtatakda sa BLS bilang mahalagang kasanayan para sa mga health workers at emergency responders.
Tinalakay sa pagsasanay ang limang Emergency Action Principles: Survey the Scene, Activate Medical Assistance, Initial Assessment, Secondary Assessment, at Referral for further evaluation and management. Binigyang-diin dito ang kahalagahan ng pagtiyak sa kaligtasan ng lugar, maagap na paghingi ng tulong, at tamang pagsusuri sa kalagayan ng biktima.
Ibinahagi rin ang tamang hakbang sa paunang pagtugon, kabilang ang pag-check ng responsiveness, pagbubukas ng airway, at pagsusuri sa paghinga at sirkulasyon ng dugo—mga kritikal na hakbang upang mapataas ang tiyansa ng survival ng pasyente.
Itinuro rin ng mga nurses ng CHO ang iba’t ibang paraan sa pagsasalba o responde ng buhay gaya na lamang ng Basic, Advanced Cardiac Life Support, at Prolonged Life Support; wastong pagsasagawa ng Cardiopulmonary Resuscitation (CPR); paggamit ng Automated External Defibrillator (AED), isang aparatong tumutulong sa pagsusuri ng ritmo ng puso at nagbibigay ng gabay kung kinakailangan ang defibrillation o pagpapatuloy ng CPR.
Maging ang tamang pagresponde sa Foreign Body Airway Obstruction (FBAO) o choking, kung saan nagsagawa ng hands-on at mass demonstration ang mga kalahok para sa iba’t ibang sitwasyon at age group.
Bilang bahagi ng praktikal na pagsasanay, sumailalim ang mga kalahok sa aktwal na demonstrasyon at re-demonstration upang matukoy at maitama ang kanilang mga pagkukulang, na mahalaga sa pagtiyak ng epektibong pagresponde sa totoong emergency.
Ang nasabing pagsasanay ay pinagtulungan ng City Health Office at City Mayor’s Office sa pamumuno ni Mayor Lucilo R. Bayron, bilang bahagi ng layunin ng lungsod na mapalakas ang kakayahan ng mga kawani sa pangangalaga ng buhay at kaligtasan ng mamamayan. #BasicLifeSupport#GabayPangkalusugan#PuertoPrincesaCity
