π•πŒπ‹π 𝐏𝐀𝐋𝐀𝐖𝐀𝐍 𝐂𝐇𝐀𝐏𝐓𝐄𝐑, 𝐍𝐀𝐆-ππ„ππ‚π‡πŒπ€π‘πŠ 𝐒𝐀 πŒπ†π€ ππ‘πŽπ†π‘π€πŒπ€ππ† ππ€ππ‹πˆππ”ππ€π 𝐍𝐆 ππ”π„π‘π“πŽ ππ‘πˆππ‚π„π’π€

#𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚𝐧𝐠𝐒𝐚𝐧𝐠𝐠𝐮𝐧𝐢𝐚𝐧𝐠 || 𝐕𝐌𝐋𝐏 𝐏𝐀𝐋𝐀𝐖𝐀𝐍 𝐂𝐇𝐀𝐏𝐓𝐄𝐑, 𝐍𝐀𝐆-𝐁𝐄𝐍𝐂𝐇𝐌𝐀𝐑𝐊 𝐒𝐀 𝐌𝐆𝐀 𝐏𝐑𝐎𝐆𝐑𝐀𝐌𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐍𝐋𝐈𝐏𝐔𝐍𝐀𝐍 𝐍𝐆 𝐏𝐔𝐄𝐑𝐓𝐎 𝐏𝐑𝐈𝐍𝐂𝐄𝐒𝐀

𝐍𝐨𝐫𝐦𝐚 𝐋𝐲𝐧 𝐃𝐚𝐯𝐞, 𝐂𝐈𝐎 𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚

Bilang bahagi ng 2nd Quarterly Meeting ng Vice Mayors’ League of the Philippines (VMLP) – Palawan Chapter, nagsagawa ng serye ng socio-civic at benchmarking activities ang mga bise alkalde mula sa iba’t ibang bayan ng Palawan upang personal na makita ang ilan sa mga programang ipinatutupad ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa sa larangan ng serbisyo publiko at social welfare.
Unang binisita ng delegasyon ang Mini City Hall sa Barangay Luzviminda, isa sa mga pangunahing inisyatibo ng lokal na pamahalaan upang mailapit ang mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan sa mga residente ng mga barangay at maging sa mga kalapit na munisipyo. Ibinahagi ni Deputy Mayor Rolando Amurao ang konsepto, operasyon, at mga serbisyong inihahatid ng pasilidad, kabilang ang mga transaksyon sa iba’t ibang tanggapan ng lungsod.

Naging interesado ang mga miyembro ng VMLP sa naging proseso ng pagpapatupad ng Mini City Hall at kinilala ito bilang isang mahusay na modelo ng decentralized governance na maaaring iangkop sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan upang higit na mapalawak ang accessibility ng mga serbisyo sa kanilang mga nasasakupan.

Nagpatuloy ang delegasyon sa Bahay Pag-asa sa Barangay Mangingisda, kung saan iprinisinta ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang mga intervention program para sa mga Children in Conflict with the Law (CICL). Ipinaliwanag ng mga social workers ang iba’t ibang rehabilitasyon, counselling, values formation, education, at skills development programs na layuning maibalik ang mga kabataan sa kanilang pamilya at komunidad bilang responsableng mamamayan.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga bise alkalde na makadaupang-palad ang mga kabataang nasa ilalim ng mandatory rehabilitation. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Puerto Princesa Vice Mayor Peter Q. Maristela na ang Bahay Pag-asa ay hindi isang lugar ng kaparusahan kundi isang pasilidad ng pag-asa at pagbabago.

“Ang layunin ng pamahalaan ay hindi lamang itama ang pagkakamali kundi gabayan ang bawat kabataan upang magkaroon sila ng panibagong direksyon at mas magandang kinabukasan,” ani Maristela.

Hinimok naman ni VMLP Palawan Chapter President at Rizal Vice Mayor Maria Gracia M. Zapanta ang mga kabataan na samantalahin ang pagkakataong ibinibigay sa kanila ng pamahalaan upang makapagbagong-buhay at maging inspirasyon sa kanilang mga pamilya at komunidad sa kanilang muling pagbabalik sa lipunan.

Bumisita rin ang delegasyon sa Group Home for Children, isang residential care facility para sa mga batang biktima ng pang-aabuso, karahasan, pagpapabaya, at iba pang mahihirap na sitwasyon sa buhay. Ibinahagi ng mga kawani ng CSWDO ang mga programang psychosocial intervention, counselling, edukasyon, at iba pang serbisyong naglalayong maibalik ang tiwala at pag-asa ng mga batang nasa kanilang pangangalaga.

Bilang bahagi ng socio-civic activity, namahagi ang VMLP Palawan Chapter ng mga hygiene kits at nakisalo sa isang simpleng salu-salo kasama ang mga kabataan sa Bahay Pag-asa at Group Home for Children.

Ipinakita ng pagbisitang ito ang kahalagahan ng pagbabahagi ng mga mahusay na programa at pinakamahuhusay na serbisyo sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan. Higit sa isang benchmarking activity, nagsilbi itong pagkakataon upang pagtibayin ang sama-samang layunin ng mga lider ng Palawan na palakasin ang mga serbisyong panlipunan at tiyaking ang bawat kabataan—anuman ang kanilang pinagdaanan—ay mabibigyan ng pagkakataong magkaroon ng mas ligtas, mas maayos, at mas magandang kinabukasan. #SangguniangPanlungsod #VMLP #PuertoPrincesaCity

Similar Posts