





































#CIOBalita || BSKE 2026 INFORMATION DRIVE CAMPAIGN, MATAGUMPAY NA NAISAGAWA SA LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA
Mainit na tinanggap ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa sa pangunguna ni Mayor Lucilo R. Bayron ang mga kinatawan mula sa Commission on Elections (COMELEC) na bumisita sa lungsod kahapon, Mayo 12, bilang bahagi ng isinagawang BSKE 2026 Information Drive Campaign.
Kabilang sa mga naging aktibidad ang opisyal na pagturn-over ng bagong tanggapan ng COMELEC Puerto Princesa sa Integrated Government Services Extension Office sa Brgy. San Jose, gayundin ang ceremonial Adopt-a-Balayong Tree activity sa Balayong People’s Park.
Pinakatampok naman sa nasabing pagbisita ang isinagawang “2026 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections Information Drive Campaign for Barangay and SK Aspirants” na ginanap sa Edward S. Hagedorn Coliseum bilang paghahanda para sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2, 2026.
Sa nasabing information drive, nabigyan ng pagkakataon ang mga barangay at SK aspirants na mapakinggan ang mahahalagang impormasyon at paglilinaw kaugnay sa tamang pag-file ng Certificate of Candidacy (COC), mga panuntunan tuwing halalan, mga karaniwang paglabag na maaaring kaharapin ng mga kandidato, at iba pang usaping may kaugnayan sa pangangampanya at eleksiyon.
Nagbahagi rin ng mahahalagang mensahe sina COMELEC Commissioners Nelson Celis, Maria Norina Tangaro-Casingal, at Noli Pipo kung saan kanilang binigyang-diin ang kahalagahan ng pagiging handa, responsable, at maalam sa batas ng mga nagnanais tumakbo sa darating na eleksiyon.
Samantala, tinalakay naman ni COMELEC Chairperson George Erwin Garcia ang mga legal at etikal na aspeto ng pagtakbo sa halalan upang maiwasan ng mga kandidato ang pagkakasangkot sa mga kaso at diskwalipikasyon. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng tamang intensyon at kahandaan sa pagpasok sa serbisyo publiko.
Nagbigay rin ng mahahalagang kaalaman si Atty. Percival Mendoza, Provincial Election Director IV ng Palawan, hinggil sa iba’t ibang legal na usapin at mga naging kaso kaugnay ng halalan, kabilang ang ilang insidenteng naitala mismo sa Puerto Princesa noong mga nakaraang eleksiyon.
Nagkaroon din ng Open Forum kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga dumalong barangay at SK aspirants na magtanong ukol sa mga usaping panghalalan na direktang sinagot ng mga opisyal ng COMELEC.
Kinilala rin ang pamumuno ni Puerto Princesa City Election Officer Julia Cuevas sa matagumpay na pagsasagawa ng mga aktibidad at programa ng COMELEC sa lungsod.
Sa huli, muling ipinahayag ng Commission on Elections ang kanilang layunin na matiyak ang isang maayos, ligtas, mapayapa, at patas na BSKE 2026 manual elections para sa lahat. #BSKE2026 #PuertoPrincesaCity #CityCOMELEC
