



#BalitangTagasuri || SERBISYO NG CITY ASSESSOR’S OFFICE, MAS MALAPIT NA SA MGA MAMAMAYAN
Amie Bonales, CIO Balita
Hindi na kailangang bumiyahe pa hanggang City Hall para sa ilang mahahalagang transaksyon ng City Assessor’s Office.
Sa pamamagitan ng mga Mini-City Halls sa Luzviminda, Napsan, Macarascas, at San Rafael, mas inilalapit na sa mga komunidad ang mga serbisyong may kaugnayan sa pagtatasa at mga rekord ng ari-ariang di natitinag.
Maaari nang mag-request ang mga residente ng Certified Copies of Assessment Records, kabilang ang Tax Declarations, Tax Maps, Certificates of Improvement, Certificates of Land Holdings, at iba pang Assessment Certifications.
Maaari ring magsimula sa mga Mini-City Halls ang mga aplikasyon para sa new discovery, transfer of ownership, reassessment, subdivision, at consolidation ng mga ari-ariang di natitinag, gayundin ang iba pang transaksiyon tulad ng cancellation of assessment, pagbabago o pagtatama ng impormasyon sa titulo o property records, at pagpaparehistro ng ari-arian.
Sa proseso, sasailalim muna sa paunang panayam ang kliyente upang matukoy ang kinakailangang serbisyo at mga dokumentong dapat isumite. Tutulungan din siya ng nakatalagang kawani sa pagsagot ng mga kinakailangang form at pagsuri ng mga dokumento bago ito ipadala sa Central Office para sa kaukulang pagproseso.
Para naman sa mga dokumentong maaaring i-release, isasagawa ang kinakailangang verification at processing sa Central Office bago ipadala ang mga ito sa kaukulang Mini-City Hall, kung saan maaaring makuha ng kliyente ang dokumento matapos ang mga kinakailangang validation at pirma.
Sa pamamagitan ng sistemang ito, mas napapadali ang pakikipagtransaksyon ng mga mamamayan habang nababawasan ang oras, pagod, at gastusin sa pagpunta sa mismong City Hall.
Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga komunidad at gawing mas accessible, episyente, at responsive ang paghahatid ng serbisyo publiko.
Dahil ang tunay na serbisyo publiko ay hindi lamang nasusukat sa bilis ng pagproseso—kundi sa kung gaano ito kadaling maabot at maramdaman ng bawat mamamayan. #CityAssessorsOffice #PuertoPrincesaCity
