





#BalitangGabayPanlipunan || PROJECT ARUGA, PINALAWAK SA PUERTO PRINCESA; 50 BAGONG BENEPISYARYO, NADAGDAG
Maya Estiandan, CIO Balita
Mas marami nang batang may malubhang kapansanan at kanilang mga pamilya sa Puerto Princesa ang mabibigyan ng karagdagang suporta sa ilalim ng Project ARUGA ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), matapos madagdagan ng 50 bagong benepisyaryo at mapalawak ang programa sa tatlo pang barangay.
Mula sa pilot barangays na San Miguel, Bancao-Bancao, at Mandaragat, kabilang na rin ngayon ang San Pedro, Sicsican, at Sta. Monica, dahilan upang umabot na sa 150 benepisyaryo ang saklaw ng programa sa lungsod.
Inilunsad sa Puerto Princesa noong 2025 na may 100 benepisyaryo ang Project ARUGA na ang pangunahing layunin ay mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga batang may kapansanan sa pamamagitan ng komprehensibong suporta, kabilang ang specialized healthcare, rehabilitation at therapy services, assistive devices, inclusive education, educational support, skills training, at buwanang disability allowance para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Kasabay ng pagpapalawak ng programa, nagsagawa ang DSWD ng orientation para sa mga bagong benepisyaryo upang ipaliwanag ang layunin ng programa at ang mga responsibilidad na kaakibat ng pagtanggap ng suporta.
Binigyang-diin ni Gng. Susan Miguel, Assistant City Social Welfare and Development Officer ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), na ang Project ARUGA ay hindi lamang simpleng pagbibigay ng ayuda, kundi isang programang naglalayong magkaroon ng pangmatagalang pagbabago sa kalagayan ng mga batang benepisyaryo.
“Hindi ito dole-out. May kaakibat itong responsibilidad. Patuloy kayong imo-monitor ng DSWD upang makita ang pagbabago at pag-unlad ng inyong mga anak,” ani Miguel.
Bilang bahagi ng pagpapalawak ng programa, nagsimula rin ang tatlong araw na roll-out training para sa mga volunteer carer mula sa anim na barangay. Sila ang magiging katuwang ng DSWD sa pagmomonitor sa kalagayan ng mga benepisyaryo at pagbibigay ng gabay sa kanilang mga magulang at tagapag-alaga.
Samantala, naglaan din ang Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa ng pondo para sa karagdagang 100 benepisyaryo, bilang suporta sa pagpapalawak ng mga serbisyong nakatuon sa kapakanan ng mga batang may kapansanan at kanilang mga pamilya.
Sa patuloy na pagpapalawak ng Project ARUGA, mas maraming pamilya ang nabibigyan ng access sa mga serbisyong makatutulong sa kalusugan, edukasyon, at pag-unlad ng kanilang mga anak—isang hakbang tungo sa isang mas inklusibong Puerto Princesa kung saan walang batang naiiwan. #PuertoPrincesaCity #CitySocialWelfareAndDevelopment
