TULONG PINANSYAL PARA SA MGA DRIVER SA PUERTO PRINCESA, IPAMAMAHAGI SA ILALIM NG AICS; 566 BENEPISYARYO TARGET NA MATULUNGAN

#BalitangGabayPanlipunan || TULONG PINANSYAL PARA SA MGA DRIVER SA PUERTO PRINCESA, IPAMAMAHAGI SA ILALIM NG AICS; 566 BENEPISYARYO TARGET NA MATULUNGAN

Makikinabang ang daan-daang multicab at jeepney drivers sa Puerto Princesa at ilang bahagi ng Palawan sa ipatutupad na cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Gaganapin ang payout sa Mayo 6 sa Balayong People’s Park, kung saan kabuuang 566 na benepisyaryo ang inaasahang mabibigyan ng tig-₱5,000 na ayuda. Kabilang dito ang 537 driver mula sa lungsod at 29 mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.

Nakatutok ang programang ito sa pagbibigay ng agarang suporta sa sektor ng pampublikong transportasyon na patuloy na humaharap sa hamon dulot ng mataas na presyo ng produktong petrolyo. Sa pamamagitan ng direktang tulong pinansyal, layon nitong maibsan ang pang-araw-araw na gastusin ng mga driver at makatulong sa pagpapatuloy ng kanilang kabuhayan.

Upang matiyak ang maayos at tamang implementasyon, pinangasiwaan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board MIMAROPA ang pagtukoy at beripikasyon ng mga kwalipikadong benepisyaryo.

Samantala, nagpahayag ng suporta ang pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor Lucilo R. Bayron sa nasabing programa, bilang bahagi ng patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan, partikular ang mga driver na direktang naaapektuhan ng umiiral na sitwasyong pang-ekonomiya.

#PuertoPrincesaCity #AICS #AyudaPasada

Similar Posts