
#𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚𝐧𝐠𝐊𝐚𝐥𝐮𝐬𝐮𝐠𝐚𝐧 || 𝐌𝐎𝐓𝐇𝐄𝐑-𝐁𝐀𝐁𝐘 𝐅𝐑𝐈𝐄𝐍𝐃𝐋𝐘 𝐂𝐎𝐌𝐌𝐔𝐍𝐈𝐓𝐘 𝐈𝐍𝐈𝐓𝐈𝐀𝐓𝐈𝐕𝐄, 𝐈𝐏𝐈𝐍𝐀𝐓𝐔𝐓𝐔𝐏𝐀𝐃 𝐒𝐀 𝐁𝐀𝐑𝐀𝐍𝐆𝐀𝐘 𝐒𝐀𝐍 𝐏𝐄𝐃𝐑𝐎 𝐁𝐈𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐈𝐋𝐎𝐓 𝐒𝐈𝐓𝐄
𝐉𝐚𝐬𝐦𝐢𝐧 𝐌𝐚𝐲𝐚 𝐃𝐮𝐞ñ𝐚𝐬-𝐄𝐬𝐭𝐢𝐚𝐧𝐝𝐚𝐧, 𝐂𝐈𝐎 𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚
Inilunsad ng Department of Health – Center for Health Development (CHD) MIMAROPA ang Mother-Baby Friendly Community Initiative (MBFCI) sa Barangay San Pedro bilang pilot implementation site upang higit na mapalapit ang suporta sa mga ina at kanilang mga sanggol sa komunidad.
Sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Barangay at City Health Office, naitatag ang tatlong breastfeeding units sa mga barangay health station—Main Health Station, Westwood, at Abanico—gayundin ang isang lactation unit sa Barangay Hall. Layunin ng mga pasilidad na ito na magbigay ng ligtas, malinis, at komportableng espasyo para sa mga inang nagpapasuso.
Ang bawat breastfeeding unit ay may pribadong silid na may sapat na bentilasyon, komportableng upuan, handwashing area, at refrigerator para sa tamang pag-iimbak ng gatas ng ina. Mahalaga ang mga kagamitang ito upang masuportahan ang patuloy na pagpapasuso, lalo na sa mga sanggol na nangangailangan ng wastong nutrisyon.
Higit pa sa mga pasilidad, layunin ng MBFCI na gabayan ang mga ina sa tamang paraan ng pagpapasuso at bigyan sila ng sapat na kaalaman at suporta. Maaaring lumapit ang mga ina sa mga health worker upang magtanong, humingi ng payo, at makibahagi sa mga support group kasama ang kapwa magulang.
Napili ang Barangay San Pedro bilang pilot area dahil sa aktibong pakikilahok ng mga opisyal nito sa mga programang pangkalusugan, partikular sa pagsusulong ng breastfeeding. Patuloy rin ang kanilang suporta sa pagsasagawa ng mga pagsasanay at pagbuo ng mga grupong susuporta sa mga ina.
Inaasahan na magsisilbing huwaran ang Barangay San Pedro sa iba pang barangay sa lungsod upang maipatupad din ang kahalintulad na mga programa. Sa pamamagitan nito, mas mahihikayat ang mga ina na piliin ang breastfeeding bilang natural, ligtas, at masustansiyang paraan ng pagpapakain sa kanilang mga sanggol.
Sa sama-samang pagkilos ng pamahalaan at komunidad, patuloy na pinapalakas ang pangangalaga sa kalusugan ng mga ina at bata tungo sa mas malusog at matatag na kinabukasan ng bawat pamilya. #CityHealthOffice #PuertoPrincesaCity
