MAKULAY NA NUTRISYON, MASIGLANG KINABUKASAN: MGA CHIKITING NG BALAYONG DAY CARE CENTER, NAGDIWANG NG NUTRITION MONTH

#ChikitingBalita || MAKULAY NA NUTRISYON, MASIGLANG KINABUKASAN: MGA CHIKITING NG BALAYONG DAY CARE CENTER, NAGDIWANG NG NUTRITION MONTH

Masayang ipinagdiwang ng mga chikiting mula sa Balayong Day Care Center ang Nutrition Month Celebration ngayong Hulyo, na may temang “Nutrisyon at Kalikasan, Ating Pangalagaan!”
Bitbit ang saya at sigla ng kabataan, nagparada ang mga bata sa paligid ng Old at New Green City Hall Buildings suot ang kanilang makukulay at malikhaing costume at headdress na hango sa iba’t ibang gulay at prutas.

Ang Day Care Center Program, na kabilang sa mga programang isinasagawa sa ilalim ng City Mayor’s Office, ay patuloy na nagsisilbing mahalagang katuwang sa paghubog sa mga bata sa kanilang mga unang taon. Sa pamamagitan ng mga gawaing pang-edukasyon at makabuluhang aktibidad tulad ng Nutrition Month Celebration, naipauunawa sa mga bata sa paraang masaya at angkop sa kanilang edad ang kahalagahan ng wastong nutrisyon, malusog na pamumuhay, at pangangalaga sa kalikasan.

Bukod sa pagiging makulay na selebrasyon, naging paalala rin ang kanilang aktibidad na ang mga simpleng aral na naituturo sa murang edad ay maaaring maging pundasyon ng mabubuting gawain at pagpapahalaga habang sila ay lumalaki. Sa ganitong paraan, ang mga batang inaalagaan at hinuhubog ngayon ay mas nagiging handa na maging malulusog, responsableng mamamayan na may malasakit sa kapwa at sa kapaligiran.

Hindi rin nagpahuli sa pakikiisa ang mga magulang, kawani ng pamahalaang panlungsod, at mga bisitang naroroon sa lugar. Kapansin-pansin ang kanilang paghanga at pagkatuwa sa makukulay na kasuotan ng mga bata, dahilan upang marami ang nakisabay sa saya at nagpa-picture kasama ang mga batang naging tampok ng masayang pagdiriwang.

Sa simpleng parada ng mga chikiting, naihatid ang isang mahalagang mensahe: ang pamumuhunan sa kalusugan, edukasyon, at wastong nutrisyon ng mga bata ay pamumuhunan din sa kinabukasan ng lungsod. Sapagkat sa bawat batang lumalaking malusog, may sapat na kaalaman, at may malasakit sa kalikasan, unti-unting nabubuo ang isang mas malusog, mas maalaga, at mas responsableng komunidad.#NutritionMonthCelebration #PuertoPrincesaCity

Similar Posts