




































#BalitangIsports || 𝐌𝐆𝐀 𝐁𝐀𝐓𝐈𝐊𝐀𝐍𝐆 𝐕𝐎𝐋𝐋𝐄𝐘𝐁𝐀𝐋𝐋 𝐂𝐎𝐀𝐂𝐇𝐄𝐒, 𝐍𝐀𝐆𝐊𝐀𝐈𝐒𝐀 𝐒𝐀 𝐏𝐀𝐆𝐇𝐔𝐁𝐎𝐆 𝐍𝐆 𝐒𝐔𝐒𝐔𝐍𝐎𝐃 𝐍𝐀 𝐇𝐄𝐍𝐄𝐑𝐀𝐒𝐘𝐎𝐍 𝐍𝐆 𝐌𝐆𝐀 𝐊𝐀𝐌𝐏𝐄𝐎𝐍 𝐒𝐀 𝐏𝐔𝐄𝐑𝐓𝐎 𝐏𝐑𝐈𝐍𝐂𝐄𝐒𝐀
Sa layuning mahasa ang talento at mapalakas ang pundasyon ng mga kabataang nangangarap na maging susunod na kampeon sa larangan ng volleyball, matagumpay na isinagawa ang 1𝘴𝘵 𝘗𝘶𝘦𝘳𝘵𝘰 𝘗𝘳𝘪𝘯𝘤𝘦𝘴𝘢 𝘗𝘳𝘪𝘮𝘦 𝘚𝘦𝘵 𝘝𝘰𝘭𝘭𝘦𝘺𝘣𝘢𝘭𝘭 𝘊𝘭𝘶𝘣 𝘊𝘭𝘪𝘯𝘪𝘤 noong Oktubre 24–25, 2026, sa Ramon Mitra Sports Complex Indoor Court.
Pinangunahan ni 𝐂𝐨𝐚𝐜𝐡 𝐋𝐞𝐨𝐧𝐨𝐫𝐚 𝐄𝐬𝐜𝐨𝐥𝐥𝐚𝐧𝐭𝐞, 𝐟𝐨𝐮𝐧𝐝𝐞𝐫 𝐧𝐠 𝐏𝐮𝐞𝐫𝐭𝐨 𝐏𝐫𝐢𝐧𝐜𝐞𝐬𝐚 𝐏𝐫𝐢𝐦𝐞 𝐒𝐞𝐭 𝐕𝐨𝐥𝐥𝐞𝐲𝐛𝐚𝐥𝐥 𝐂𝐥𝐮𝐛 𝐂𝐥𝐢𝐧𝐢𝐜 at 𝐏𝐫𝐞𝐬𝐢𝐝𝐞𝐧𝐭𝐞 𝐧𝐠 𝐏𝐡𝐢𝐥𝐢𝐩𝐩𝐢𝐧𝐞 𝐏𝐚𝐝𝐝𝐥𝐢𝐧𝐠 𝐅𝐞𝐝𝐞𝐫𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧, ang inisyatibang naglalayong mabigyan ang mga batang Puerto Princesan ng pagkakataong matuto ng tamang 𝘧𝘶𝘯𝘥𝘢𝘮𝘦𝘯𝘵𝘢𝘭𝘴, 𝘵𝘦𝘬𝘯𝘪𝘬, 𝘢𝘵 𝘥𝘪𝘴𝘪𝘱𝘭𝘪𝘯𝘢 𝘴𝘢 𝘷𝘰𝘭𝘭𝘦𝘺𝘣𝘢𝘭𝘭 sa tulong ng mga batikang coaches at trainers na nagmula pa sa iba’t ibang lugar.
Binigyang-halaga sa naturang klinika na nilahukan ng mahigit 60 𝘬𝘢𝘣𝘢𝘵𝘢𝘢𝘯 𝘱𝘪𝘵𝘰 𝘩𝘢𝘯𝘨𝘨𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘵𝘰𝘳𝘴𝘦 𝘢𝘯𝘺𝘰𝘴 ang kusang pagbabahagi ng kaalaman at karanasan ng mga coaches na naging bahagi ng pag-unlad ng volleyball sa iba’t ibang antas ng kompetisyon, kabilang ang mga pambansa, Asian, at internasyunal na palaro. Sa pamamagitan ng kanilang paggabay, nagkaroon ang mga kalahok ng pagkakataong matuto mula sa mga taong may malawak na karanasan sa larong kanilang pinapangarap na pasukin.
Higit pa sa pagtuturo ng tamang pagpasa, pagse-set, pagse-serve, pag-atake, at depensa, layunin din ng pagsasanay na maitanim sa mga kabataan ang kahalagahan ng disiplina, teamwork, sportsmanship, at patuloy na pagsisikap—mahahalagang pundasyon sa paghubog ng isang mahusay na atleta.
Katuwang ang 𝐏𝐚𝐦𝐚𝐡𝐚𝐥𝐚𝐚𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐧𝐥𝐮𝐧𝐠𝐬𝐨𝐝 𝐧𝐠 𝐏𝐮𝐞𝐫𝐭𝐨 𝐏𝐫𝐢𝐧𝐜𝐞𝐬𝐚, layon ng inisyatibang ito na palawakin ang oportunidad para sa mga kabataang atleta at matiyak na ang paglinang sa kanilang potensiyal ay nagsisimula sa wastong pagsasanay, tamang paggabay, at matibay na pundasyon sa sports.
Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, mas nabibigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na paunlarin ang kanilang kakayahan at unti-unting ihanda ang sarili sa mas mataas na antas ng kompetisyon.
Sapagkat ang bawat kampeon ay nagsisimula sa pagkatuto, at sa tamang pagsasanay at paggabay, maaaring ang susunod na pambato ng Pilipinas sa volleyball ay magmula mismo sa Puerto Princesa.
#CitySportsOffice #PuertoPrincesaCity #PrimeSetVolleyballClinic
