ACACIA TUNNEL ROPE LIGHTS, BAGONG NIGHT ATTRACTION SA PUERTO PRINCESA

“Hindi natin dapat maliitin ang maliliit na proyekto, dahil ang bawat bagong atraksyon ay nagdaragdag ng dahilan para piliin ng mga turista ang Puerto Princesa,” pahayag ni Mayor Lucilo Bayron

Ito ang binigyang-diin ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron sa ginanap na Switch-On Ceremony ng Acacia Tunnel Rope Lights sa kahabaan ng Acacia Tunnel sa Barangay Inagawan at Barangay Inagawan-Sub ngayong Hulyo 30, 2026 bilang bahagi ng patuloy na pagpapaganda ng lungsod at pagpapalakas ng turismo.

Hinikayat din ni Mayor Bayron ang mga residente na suportahan ang Community-Based Sustainable Tourism (CBST) sa pamamagitan ng pagbuo ng mga lokal na produkto, pagkain, at iba pang serbisyong makatutulong sa kabuhayan ng komunidad habang pinayayabong ang turismo.

Sa kasaluluyan, mayroon nang higit kumulang sampung (10) vendors rito sa Inagawan Acacia Tunnel Park CBST na nagbebenta ng mga pagkain, inumin, damit, at souvenir items para sa mga dumadaang bisita.

Nananawagan rin si Mayor Bayron sa City Tourism Office na magkaroon ng diyalago kasama ang Inagawan Acacia Tunnel Park CBST upang alamin kung ano pa ang maitutulong ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa.

Nag-abot naman ng pasasalamat sina Punong Brgy. Ariel Lacao ng Inagawan at Punong Brgy. Benjamin Salazar ng Inagawan-sub, dahil simula noong nagkaroon ng lighting ceremony nakaraang taon, ay nagkaroon ng panibagong hanapbuhay ang kanilang mga nasasakupan sa pamamagitan ng pagtatayo ng kani-kanilang tindahan.

Nanawagan din ang alkalde sa publiko na makiisa sa pagpapakilala ng Acacia Tunnel sa pamamagitan ng social media upang mas marami pang makaalam at bumisita sa lugar.

“Nawa ang liwanag na ito ay maging simbolo ng pag-asa, pagkakaisa, at sama-samang pagtutulungan para sa mas maunlad na Puerto Princesa,” ani Mayor Bayron

Sa pagtatapos ng programa, isinagawa ang ceremonial Switch-On ng Rope Lights at ang Banging of the Gong, hudyat ng pormal na pagbubukas ng panibagong night attraction na inaasahang magiging isa sa mga pangunahing pasyalan ng mga residente at turista sa Puerto Princesa City.

#MayorLuciloBayron

#PuertoPrincesa

Similar Posts