Mahigit 2,000 kabataang lider, nakiisa sa pagbubukas ng 7th Puerto Princesa City Youth Festival

BosesNgKabataan || Mahigit 2,000 kabataang lider, nakiisa sa pagbubukas ng 7th Puerto Princesa City Youth Festival

Robin Estrella, CIO Balita

Opisyal nang binuksan ang ika-7 Puerto Princesa City Youth Festival 2026 noong Sabado, Agosto 1, na nagsilbing pagtitipon ng mga kabataang lider, youth-serving organizations, at mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) mula sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Sa pangunguna ng Local Youth Development Office (LYDO), katuwang ang Local Youth Development Council (LYDC) at Sangguniang Kabataan Federation ng Puerto Princesa, tampok sa taunang pagdiriwang ang mga programang naglalayong kilalanin at palakasin ang mahalagang papel ng kabataan bilang katuwang sa pagbuo ng mas maunlad, inklusibo, at mas matatag na komunidad.

Sa kabila ng pabago-bagong panahon, mahigit 2,000 kabataang lider at kinatawan ng youth-serving organizations, kasama ang mga SK officials mula sa mga barangay sa Poblacion, ang nakiisa sa parada mula SM City Puerto Princesa patungo sa PGP Convention Center, na nagsilbing hudyat ng pormal na pagbubukas ng festival.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni City Youth Development Officer Richard Ralph Asuncion ang mga kabataang patuloy na nakikiisa at naglalaan ng panahon at kakayahan sa mga programa at inisyatiba para sa kanilang mga kapwa kabataan at komunidad.

Nagbigay rin ng mensahe si City Director ng DILG Dennis S. Beltran, na binigyang-diin ang mahalagang ambag ng kabataan sa patuloy na pag-unlad ng lungsod—hindi lamang bilang mga benepisyaryo ng mga programa, kundi bilang aktibong katuwang sa paglilingkod at paghubog ng kinabukasan ng komunidad.
Samantala, ibinahagi naman ni City Councilor Karl Dylan Aquino ang kanyang pagmamalaki sa mga kabataang Puerto Princesa dahil sa kanilang pagiging proactive at aktibong pakikilahok sa mga programang nakatuon sa serbisyo, pamumuno, at kaunlaran.

Higit pa sa isang selebrasyon, ang Puerto Princesa City Youth Festival ay nagsisilbing espasyo para sa kabataan na maipamalas ang kanilang mga talento, mapaunlad ang kanilang kakayahan sa pamumuno, makabuo ng makabuluhang ugnayan, at higit sa lahat, maging bahagi ng mga solusyon at inisyatibang tumutugon sa pangangailangan ng kanilang komunidad.

Sa mga susunod na araw, magpapatuloy ang iba’t ibang aktibidad at paligsahan na naglalayong higit pang paigtingin ang talento, leadership, pagkakaisa, at pakikilahok ng kabataan sa buhay ng lungsod.

Dahil sa Puerto Princesa, ang kabataan ay hindi lamang pag-asa ng kinabukasan—sila rin ay aktibong katuwang sa paghubog ng mas maunlad at progresibong Puerto Princesa ngayon. #CYDO #PuertoPrincesaCity

Similar Posts