
Buo ang suporta ni Mayor Lucilo R. Bayron sa pagsisikap ng Philippine Paddling Federation Inc. (PPFI), sa pangunguna ng kanilang presidente na si Coach Leonora “Len” Escollante, na mapaunlad ang Puerto Princesa bilang sentro ng pagsasanay sa dragon boat.
Sa kanyang mensahe sa Closing and Awarding Ceremony ng 5th Puerto Princesa International Dragon Boat Festival 2026 noong Nobyembre 1, kinilala ng alkalde ang mga pagsisikap ng pederasyon sa pagsasanay ng mga paddler at paglinang sa kakayahan ng mga kabataan.
Binanggit ni Mayor Bayron ang itinatayong training area ng PPFI sa Iwahig River, sa pangunguna ni coach Len. Nakikita niya itong mahalagang hakbang upang makahikayat ng mas maraming lokal at dayuhang atleta na magsanay sa lungsod.
“Itong Puerto Princesa magiging base talaga ng mga trainings ng dragon boat. Dito na nakatira at nagte-train yung dragon boat team national paddlers natin,” ani Mayor Bayron.
Ayon sa alkalde, maaari ring maging lugar ng pagsasanay ang Puerto Princesa para sa mga koponan mula sa ibang bansa na hindi makapag-ensayo tuwing taglamig. Ang kanilang pananatili at pagsasanay dito ay makatutulong din sa lokal na turismo.
Kasabay nito, ibinahagi ni Mayor Bayron na napag-usapan nila ni Philippine Sports Commission Commissioner Walter Torres ang pagpapalakas ng grassroots training upang masimulan sa murang edad ang paglinang sa kakayahan ng mga paddler.
“Simulan natin yung mga bata para hanggang sa lumaki sila, tuloy-tuloy yung kanilang pagpa-paddle,” pahayag niya.
Binigyang-diin din ng alkalde na mahalagang aral ng dragon boat ang disiplina, koordinasyon at pagkakaisa. Aniya, hindi sapat ang lakas ng bawat manlalaro kung hindi sabay-sabay ang pagsagwan ng buong koponan.
“Kahit lahat kayo malakas mag-paddle, hindi pa rin sapat yun. Kasi kailangan talaga yung disiplina nandoon. At saka yung koordinasyon, yung sabay-sabay yung pagsasagwan ninyo,” paliwanag niya.
Binati ni Mayor Bayron ang mga nagwagi at kinilala ang lahat ng koponang nagmula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at ibang bansa. Pinasalamatan din niya ang PPFI, mga organizer at lahat ng katuwang na nagtulong-tulong sa pagdaraos ng festival.
“Congratulations sa lahat ng nagplano, nag-organize, tsaka nag-manage ng event na ito. Maraming salamat sa inyong pagpupursige,” ani Mayor Bayron.
Inanyayahan din ng alkalde ang mga kalahok na bumalik para sa ikaanim na edisyon sa susunod na taon, bilang bahagi ng paghahanda sa World Club Crew Championship na gaganapin din sa Puerto Princesa sa 2027.
Hinimok niya ang mga atleta na bukod sa kanilang mga tropeo at medalya ay iuwi rin ang magagandang alaala at mga bagong pagkakaibigang nabuo sa lungsod sa pamamagitan ng kanilang pagmamahal sa dragon boat racing.
