








#CIOBALITA || LIBRENG LEGAL AID PROGRAM NG CITY GOVERNMENT AT IBP PALAWAN, SINIMULAN NA
Mas magiging abot-kamay na ngayon ng mga Puerto Princesan ang libreng legal na payo at serbisyo matapos opisyal na ilunsad ngayong araw ang “Pagpaquiman Cay Atorni (Itanong mo kay Atorni),” ang Libreng Legal Aid Program na pinagtutulungan ng City Government of Puerto Princesa at ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) – Palawan Chapter.
Sa unang araw ng programa na isinagawa sa Atrium ng New Green City Hall, agad na napakinabangan ng mga residente ang libreng legal consultation at libreng notarization ng mga simpleng affidavits at non-commercial documents—mga serbisyong malaking tulong lalo na sa mga nangangailangan ng agarang legal na gabay ngunit may limitadong kakayahang pinansyal.
Sa pamamagitan ng programang ito, mas nailalapit sa mga mamamayan ang mga serbisyong legal na dati ay kinakailangan pang gumastos o dumaan sa mas mahabang proseso. Nagkakaroon din ng pagkakataon ang bawat Puerto Princesan na direktang makausap ang mga abogado upang mabigyan ng tamang impormasyon at gabay hinggil sa kanilang mga legal na usapin.
Patunay ang inisyatibong ito ng matatag na pagtutulungan ng City Government of Puerto Princesa at ng IBP Palawan Chapter sa pagsusulong ng mas inklusibo, makatao, at mas madaling akses sa hustisya para sa lahat.
Magpapatuloy ang “Pagpaquiman Cay Atorni” tuwing Huwebes ng Agosto, mula 9:00 AM hanggang 12:00 NN at 1:00 PM hanggang 4:00 PM, sa Atrium ng New Green City Hall.
Inaanyayahan ang lahat ng mga Puerto Princesan na samantalahin ang programang ito at gamitin ang pagkakataong makakuha ng libreng legal na konsultasyon at iba pang serbisyong legal—isang hakbang tungo sa mas maalam, mas protektado, at mas empowered na mamamayan. #IBPCGPPLEGALAID #PuertoPrincesaCity
