
Isang makabuluhang araw ang naitala sa Puerto Princesa City Medical Complex Birthing Facility matapos ang magkasunod na matagumpay na panganganak ng dalawang ina mula sa magkaibang bayan sa Palawan, patunay na dumarami ang nagtitiwala sa dekalidad at libreng serbisyong pangkalusugan ng Pamahalaang Panlungsod.
Noong Hulyo 16, isinilang ang isang sanggol na lalaki na si “Baby J” anak ni Lenlyjel Ceralbo ng Brooke’s Point, Palawan. Sinundan naman ito ng pagsilang ng isang sanggol na babae na si “Baby EM” anak ni Novie Malaque ng Roxas, Palawan.
Bagama’t parehong mula sa ibang munisipyo ang mga ina, buong puso silang tinanggap at inalagaan sa City Medical Complex Birthing Facility.
Ayon kay mommy Lenlyjel, naging magaan ang kanyang panganganak dahil sa maagap at maalagang pag-aasikaso ng mga healthcare workers.
“Okay naman po. Hindi naman po ako kinabahan dahil sobrang hands-on sa patient ang mga nag-assist sa akin. Pati ang mga papeles na kailangan, tinulungan nila kaming maasikaso. Sobrang thankful po ako na libre ang ganitong serbisyo at hindi na kami nahirapan. Maraming salamat po kay Mayor.”
Ibinahagi rin ni mommy Novie ang kanyang pasasalamat dahil malaking tulong ang libreng serbisyo, lalo na sa kanilang pamilya.
“Nagpapasalamat po ako dahil may libreng paanakan. Para sa katulad naming kapos sa buhay, napakalaking tulong nito. Kahit malayo ang pinanggalingan namin, mas pinili naming dito manganak dahil libre na, maalaga pa ang serbisyo. Maraming salamat po kay Mayor at sa lahat ng staff na sobrang babait at maalaga mula labor hanggang sa panganganak.”
Ayon kay City Birthday Facility Head Nurse Jasmin Rocamora, isang espesyal na pagkakataon ang naitala sa birthing facility dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng double delivery room (Double DR) o dalawang magkasabay na panganganak.
“Masaya dahil first time naming magkaroon ng Double DR. Medyo challenging dahil dalawa lang ang midwives na naka-duty, pero naging maayos ang lahat dahil nagtulungan ang incoming at outgoing staff. Smooth naman ang buong proseso,” aniya.
Dagdag pa niya, normal ang naging panganganak ng dalawang ina at agad ding nakapagpapasuso, nakakakain, at na-rounds ng medical team matapos manganak.
Mula nang magsimulang mag-operate ang City Birthing Facility noong Mayo 28, umabot na sa 23 matagumpay na panganganak ang naitala. Dalawa rito ay noong Mayo, labing-isa noong Hunyo, at sampu hanggang Hulyo 16, patunay ng patuloy na pagtaas ng tiwala ng publiko sa pasilidad.
Bukod sa ligtas na panganganak, patuloy ring dumarami ang mga nagtatanong at nagpapalista upang mag-avail ng serbisyo ng pasilidad. Isa sa mga natatanging serbisyong iniaalok nito ang libreng paghahatid at pagsundo sa mga buntis, upang matiyak na ligtas silang makarating sa pasilidad at makauwi pagkatapos manganak.
Bago rin makalabas ang pasilidad, kumpleto nang naipoproseso ang mahahalagang dokumento at serbisyo, kabilang ang birth registration, newborn screening, at iba pang kinakailangang maternal at newborn care.
Samantala, patuloy ring pinalalawak ng City Health Medical Complex Birthing Facility ang mga serbisyong iniaalok nito. Kabilang na rito ang 24/7 family planning services, insertion at removal ng contraceptive implant, gayundin ang counseling at health education para sa mga ina at kanilang pamilya.
Dahil dito, patuloy ang pagdami ng mga katanungan at konsultasyon mula sa publiko.
“Masaya kaming sagutin ang lahat ng inquiries at tulungan ang bawat pamilyang nangangailangan,” ani Nurse Jasmin.
Sa patuloy na pagbibigay ng ligtas, libre, at dekalidad na serbisyong pangkalusugan, nananatiling layunin ng Pamahalaang Panlungsod sa pamumuno ni Mayor Lucilo R. Bayron na matiyak na ang bawat ina at sanggol ay makatatanggap ng nararapat na pangangalaga, saan mang bahagi ng Palawan sila nagmula.
“See to it na maibigay natin ang tender love and care na nararapat sa bawat pasyente,” ang paalala ni Mayor Bayron sa mga healthcare workers ng lungsod.
