
BalitangKabataan || KABATAAN NG PUERTO PRINCESA, PINALAKAS SA ANTI-DRUG ADVOCACY SA PAGLULUNSAD NG “FRIENDS IN FOCUS”
Pormal nang inilunsad ang programang “Friends in Focus” sa Edward S. Hagedorn Coliseum ng Puerto Princesa City noong Mayo 5, 2026, sa pangunguna ng City Youth Development Office, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga na nakatuon sa kabataan.
Layunin ng programa na hubugin ang kamalayan, kakayahan, at pagpapasya ng mga kabataan laban sa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot sa pamamagitan ng peer education at values formation. Sa aktibidad, daan-daang kabataang kalahok mula sa iba’t ibang paaralan, organisasyon, at barangay ang nakinabang sa mga talakayan at interactive sessions na naglalayong palakasin ang kanilang kaalaman sa negatibong impluwensiya ng kapaligiran.
Ayon sa City Youth Development Office, kabilang ang Puerto Princesa sa limang piling lungsod sa bansa na napili ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) para sa implementasyon ng programa—patunay sa aktibong pagtutok ng lungsod sa kapakanan at kinabukasan ng kabataan.
Binigyang-diin naman ng City Anti-Drug Abuse Council (ADAC) na sa pamamagitan ng Friends in Focus, mas napapalawak ang kaalaman ng mga kabataan hinggil sa masamang epekto ng droga at napagtitibay ang kahalagahan ng pagpili ng tamang impluwensya at samahan, mga salik na kritikal sa kanilang personal na pag-unlad.
Pinangunahan ng mga sinanay na Youth Trainers ang serye ng mga sesyon na tumalakay sa drug prevention, decision-making skills, at peer support system. Inaasahan na ang mga kabataang kalahok ay magsisilbing mga katuwang ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng adbokasiya kontra droga sa kani-kanilang komunidad.
Ipapatupad ang programa sa dalawang batch, kabilang ang school-based rollout na binubuo ng anim na sesyon. Sa pagtatapos, makatatanggap ang mga kalahok ng certificate of completion na maaari nilang magamit bilang dagdag na kredensyal sa kanilang akademiko at propesyonal na landas.
Sa kabuuan, inaasahang magdudulot ang Friends in Focus ng pangmatagalang positibong epekto sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kaalaman, kasanayan, at matibay na paninindigan upang maging responsableng mamamayan at aktibong katuwang sa drug-free na komunidad. #FriendsInFocus #PuertoPrincesaCity #YouthEmpowerment
