























#BalayongKayganda || MAHIGIT 100 KABATAAN, NAGTAPOS SA BALAYONG MUSICAL WORKSHOP; TALENTO’T DISIPLINA, PATULOY NA PINAUUNLAD NG PAMAHALAANG PANLUNGSOD
Ricky Obligar, CIO Balita
Hindi lamang musika ang ipinamalas ng mahigit 110 kabataang completers ng Lucilo R. Bayron Balayong Musical Workshop Batch 11 at 12, kundi bunga rin ng patuloy na pamumuhunan ng pamahalaang panlungsod sa pagpapaunlad ng talento, disiplina, at kakayahan ng kabataan.
Sa ginanap na Blossoms and Harmonies Night bilang bahagi ng Konsiyerto sa Balayong 2026 noong Hulyo 25 sa Balayong People’s Park, ipinamalas ng mga completers ang kanilang natutunan sa violin, piano, guitar, at ukulele sa pamamagitan ng isang recital na dinaluhan ng kanilang mga magulang, trainers, at mga panauhin.
Sa kanyang mensahe, binigyang-pugay ni Mayor Lucilo R. Bayron ang mga music instructors at mga magulang na naging katuwang sa paghubog ng mga kabataan. Aniya, higit pa sa pagbabasa ng nota at pagtugtog ng instrumento ang natutuhan ng mga bata—natutunan din nilang magtulungan, maging disiplinado, at pahalagahan ang pagtitiyaga sa pag-abot ng kanilang mga pangarap.
Muling tiniyak ng alkalde ang patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa Balayong Musical Workshop, na aniya’y isang pamumuhunan sa kinabukasan ng kabataang Puerto Princesan at sa paglinang ng lokal na sining at kultura.
Sa recital, sunod-sunod na nagtanghal ang mga completers mula sa iba’t ibang antas ng violin, piano, guitar, at ukulele sa mga piyesang klasikal at makabago, bago nagtapos sa sabayang pagtatanghal ng awiting “Saranggola” ng Ben&Ben—simbolo ng kanilang sama-samang paglalakbay at paglago bilang mga batang musikero.
Kinilala rin sa programa ang dedikasyon ng mga trainers na sina Ms. Renezza Ivy Go at Mr. Biennie Xaviery Pedernal, gayundin ang dating instructor na si Mr. Hajime Tarre, na naghatid ng closing message sa mga nagsipagtapos.
Lalong naging makabuluhan ang gabi sa espesyal na pagtatanghal ng OPM artist na si Rannie Raymundo, kasama ang performances ng mga lokal na banda, bilang pagdiriwang ng talento at malikhaing diwa ng mga Puerto Princesan.
Ang Konsiyerto sa Balayong 2026 ang nagsilbing pangwakas na aktibidad ng Balayong Tree Planting and Nurturing Festival 2026, na nagsimula sa Arampangan sa Balayong noong Hulyo 24—isang pagdiriwang na hindi lamang nagbibigay-halaga sa pangangalaga ng kalikasan kundi maging sa patuloy na paglinang ng kultura, sining, at susunod na henerasyon ng Puerto Princesa. #BTPNF2026 #PuertoPrincesaCity
