PATULOY NA PAGLINANG NG TALENTO SA MUSIKA, HINIKAYAT NI MAYOR BAYRON SA MGA NAGTAPOS SA BALAYONG MUSIC WORKSHOP

Binati ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron ang mahigit 110 kabataang nagtapos sa Balayong Music Workshop Batch 11 at Batch 12, at hinikayat ang mga ito na ipagpatuloy ang paglinang ng kanilang talento at huwag matakot mangarap sa isinagawang recital ngayong Sabado, Hulyo 25, sa Balayong People’s Park.

Sa kanyang mensahe, pinuri ng alkalde ang dedikasyon at tiyaga ng mga kabataang nagsimula nang walang kaalaman sa musika ngunit ngayon ay nagawang magtanghal sa harap ng kanilang mga magulang, trainers, at mga panauhin.

Ayon kay Mayor Bayron, ang Balayong Music Workshop ay hindi lamang nagtuturo ng pagtugtog ng iba’t ibang instrumento tulad ng guitar, ukulele, piano, at violin, kundi humuhubog din ng disiplina, kumpiyansa sa sarili, at kakayahang makiisa sa iba.

“Marami sa inyo ang nagsimula nang walang kaalaman sa musika. Hindi pa marunong tumingin ng nota, ngunit ngayon ay kaya na ninyong tumugtog kasama ang iba’t ibang instrumento. Ang mga natutunan ninyo rito ay hindi lamang musika kundi mga aral na magagamit ninyo sa buhay,” ani ni Mayor Bayron.

Nagpasalamat din ang alkalde sa mga trainers at instructors na buong pusong nagbahagi ng kanilang oras, talento, at kaalaman upang malinang ang kakayahan ng mga kabataan. Kinilala rin niya ang mahalagang papel ng mga magulang sa patuloy na paggabay at pagsuporta sa kanilang mga anak.

Ibinahagi rin ni Mayor Bayron na marami nang nagtapos sa Balayong Music Workshop ang naging bahagi ng Puerto Princesa City Band, kabilang ang isang 11 taong gulang na batang musikero na nagsimula rin sa parehong programa. Aniya, patunay ito na sa wastong paggabay at sipag, kayang maabot ng mga kabataan ang mas mataas pang antas ng kanilang talento.

Muling tiniyak ng alkalde ang patuloy na suporta ng Pamahalaang Lungsod sa Balayong Music Workshop sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga instrumentong pangmusika at iba pang kinakailangang tulong upang mas marami pang kabataan ang mabigyan ng pagkakataong matuto at mapaunlad ang kanilang kakayahan.

“Patuloy kong susuportahan ang programang ito dahil nakikita ko ang halaga nito. Ang investment natin sa kabataan ay investment sa kinabukasan ng Puerto Princesa. Huwag kayong susuko. Malayo na ang inyong narating at mas marami pa kayong maaabot. Patuloy kayong mangarap at pagyamanin ang talentong ipinagkaloob sa inyo,” dagdag ni Mayor Bayron.

Sa pagtatapos ng programa, muling binati ni Mayor Bayron ang lahat ng nagtapos sa Batch 11 at Batch 12 at hinikayat silang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at pagmamahal sa musika.

#MayorLuciloBayron

#PuertoPrincesa

Similar Posts