
Hinikayat ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron ang mga fur parent na suportahan ang Puerto Princesa City Leg ng MIMAROPA One-Time-Big-Time (OTBT) Mass Sterilization of Female Dogs and Cats bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng lungsod para sa responsableng pag-aalaga ng mga alagang hayop at pagpigil sa pagdami ng mga asong gala at pusang gala.
Bago ang pagsisimula ng programa, nagsagawa ng courtesy call kay Mayor Bayron ang mga beterinaryo at opisyal na kalahok sa mass sterilization. Sa kanilang pagbisita, nagpasalamat ang alkalde sa kanilang dedikasyon at pakikipagtulungan sa paghahatid ng serbisyong makatutulong sa kalusugan ng mga hayop at sa kapakanan ng komunidad.
Ang mass sterilization ay isang ligtas at makataong paraan upang makontrol ang populasyon ng mga aso at pusa. Nakatutulong din ito sa pag-iwas sa hindi planadong pagdami ng mga hayop, pagbabawas ng bilang ng mga asong gala at pusang gala, at pagsuporta sa kampanya laban sa rabies at iba pang sakit na maaaring makaapekto sa kalusugan ng tao at hayop.
Kabilang sa mga katuwang ng City Veterinary Office – Puerto Princesa sa programa ang mga beterinaryo mula sa Palawan Provincial Veterinary Office, Marinduque Provincial Veterinary Office, Oriental Mindoro Provincial Veterinary Office, Romblon Provincial Veterinary Office, Calapan City Veterinary Office sa Oriental Mindoro, Victorias City Veterinary Office sa Negros Occidental, Coast Guard Field Veterinary Unit – Palawan, at Camp Ricarte Veterinary Service Unit sa Puerto Princesa City.
Kaugnay nito, muling hinikayat ni Mayor Bayron ang mga may alagang babaeng aso at pusa na samantalahin ang libreng serbisyong ito at makiisa sa layunin ng lungsod na mapanatili ang isang ligtas, malusog, at responsableng komunidad para sa tao at mga alagang hayop.
MIMAROPA One-Time-Big-Time Mass Sterilization (Puerto Princesa City Leg)
Near Caltex/KFC, Brgy. San Miguel
8AM – 5PM
July 27-28, 2026
