
Mainit na tinanggap ni Mayor Lucilo R. Bayron ang isang delegasyon ng mga agricultural stakeholders mula sa iba’t ibang bahagi ng Davao Region na nag-courtesy visit sa kanya ngayong araw, Agosto 18, 2026.
Layon ng grupo na magsagawa ng benchmarking at cross-learning visit sa Puerto Princesa City Government bilang bahagi ng 2026 Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Clusters Cross Learning Visit. Ang F2C2 Program ay isang inisyatiba ng Department of Agriculture.
Layunin sa aktibidad na mapalawak ang kaalaman at matuto sa mga matagumpay na programa sa agrikultura kaya ibinahagi ni Mayor Bayron at ni City Agriculturist Melissa Macasaet ang ilang mga best practices kaugnay ng pagpapayaman pa ng agrikultura sa lungsod.
“Mayroon kami ritong Free Tractor at Harvester Service para sa mga magsasaka (even before the fuel crisis). Tuluy-tuloy lang ‘yung serbisyo na ‘yan bilang suporta sa kanila,” ani Mayor Bayron.
Mayroon ding libreng hauling ng agricultural products mula sa farm hanggang sa Kadiwa outlets para sa mga farmer-beneficiaries.
“Paraan po namin ‘yan para tunay na kumita ang mga magsasaka at mailapit ang mga produkto nila sa mga consumers,” paliwanag ni City Agriculturist Macasaet.
Dagdag naman ni Mayor Bayron, hindi natural na mataba ang lupa sa Puerto Princesa ngunit nakagawa ng paraan ang City Agriculture upang mapabuti ang soil health at mapalakas ang agricultural productivity sa lungsod.
“We also learn from others, and we pick the most suitable approach for Puerto Princesa City,” pahayag pa ni City Agriculturist Macasaet.
Matapos ang courtesy call, inasikaso ng Puerto Princesa City Agriculture Office ang delegasyon sa kanilang pagbisita sa Gintong Butil Agri Farm, kung saan nagkaroon sila ng pagkakataong aktwal na makita at matuto mula sa ilan pang agricultural best practices na isinasagawa sa lungsod.
