PUERTO PRINCESA, SINIMULAN ANG PAGHAHANDA NG 2027 BUDGET

#BalitangPinansiyal || PUERTO PRINCESA, SINIMULAN ANG PAGHAHANDA NG 2027 BUDGET

Amie Bonales, CIO Balita

Pormal nang sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa ang paghahanda ng 2027 Annual Budget sa pamamagitan ng Budget Forum na ginanap noong Hulyo 14 sa Asturias Hotel.

Dinaluhan ito nina Mayor Lucilo R. Bayron, Konsehal Modesto E. Rodriguez, Herbert S. Dilig, mga pinuno ng iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan, program managers, at mga kinatawan ng Civil Society Organizations (CSOs).

Tinalakay sa forum ang mahahalagang gabay sa paghahanda ng budget, kabilang ang mga pinagkukunan ng kita ng lungsod na ipinaliwanag ni City Treasurer Jerome Padrones, ang mga prayoridad na programa at proyekto sa 2027 Annual Investment Plan na ibinahagi ni City Planning and Development Coordinator Engr. Jovenee C. Sagun, gayundin ang budget preparation guidelines, submission requirements, at timeline na ipinaliwanag ni City Budget Officer Maria Regina S. Cantillo. Nagbigay rin si Assistant City Accountant Ramil Gonzales ng updates sa accounting at auditing guidelines upang matiyak ang pagsunod ng mga tanggapan sa umiiral na mga polisiya.

Sa kanya namang mensahe, ibinahagi ni Mayor Bayron ang temang “A Donde Vas” (Where Are You Going?) bilang direksyon ng lungsod tungo sa mas inklusibo at pangmatagalang kaunlaran. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paghikayat sa mga pribadong mamumuhunan upang makalikha ng mas maraming trabaho, mapasigla ang ekonomiya, at mapalawak ang kita ng lungsod. Inilahad din niya ang mga prayoridad ng administrasyon sa mga pangunahing sektor tulad ng turismo, imprastraktura, mabuting pamamahala, serbisyong panlipunan, pampublikong kaligtasan, at pangangalaga sa kalikasan.

Hinimok din ng alkalde ang lahat ng tanggapan na magkaisa sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng lungsod, na aniya ay nakasalalay sa sama-samang pagkilos at dedikasyon ng bawat kawani.

Kasunod ng forum ay isinagawa ang workshop mula Hulyo 15 hanggang 17 upang gabayan ang mga kalahok sa tamang paggamit ng budget forms, E-Budgeting Program, at paghahanda ng mga kinakailangang budget justification para sa 2027 budget. #BudgetForum #PuertoPrincesaCity

Similar Posts