|

ππ”π„π‘π“πŽ ππ‘πˆππ‚π„π’π€ π‚πˆπ“π˜ πŒπ„ππ“π€π‹ 𝐇𝐄𝐀𝐋𝐓𝐇 𝐀𝐍𝐃 𝐖𝐄𝐋𝐋𝐍𝐄𝐒𝐒 π‚π‹πˆππˆπ‚, ππ”πŠπ€π’ 𝐍𝐀 𝐒𝐀 ππ”ππ‹πˆπŠπŽ

#𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚𝐧𝐠𝐊𝐚𝐥𝐮𝐬𝐮𝐠𝐚𝐧 || 𝐏𝐔𝐄𝐑𝐓𝐎 𝐏𝐑𝐈𝐍𝐂𝐄𝐒𝐀 𝐂𝐈𝐓𝐘 𝐌𝐄𝐍𝐓𝐀𝐋 𝐇𝐄𝐀𝐋𝐓𝐇 𝐀𝐍𝐃 𝐖𝐄𝐋𝐋𝐍𝐄𝐒𝐒 𝐂𝐋𝐈𝐍𝐈𝐂, 𝐁𝐔𝐊𝐀𝐒 𝐍𝐀 𝐒𝐀 𝐏𝐔𝐁𝐋𝐈𝐊𝐎

𝐌𝐀𝐘𝐀 𝐃𝐔𝐄Ñ𝐀𝐒-𝐄𝐒𝐓𝐈𝐀𝐍𝐃𝐀𝐍 𝐂𝐈𝐎 𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚

Pormal nang nagbukas ang Puerto Princesa City Mental Health and Wellness Clinic ng City Health Office (CHO) sa Puerto Princesa City Health Medical Complex, kasunod ng paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng CHO at Philippine Mental Health Association – Palawan Chapter.

Layunin ng klinika na palakasin at palawakin ang serbisyong pangkalusugang pangkaisipan sa Puerto Princesa, sa gitna ng tumataas na pangangailangan para sa mental health support. Ayon kay Dr. Ricardo B. Panganiban, bagaman mayroon nang umiiral na mental health program ang CHO, limitado ito noon dahil sa kakulangan ng mga espesyalista—isang hamon na ngayon ay tinutugunan sa pakikipagtulungan sa PMHA.

Sa pamamagitan ng klinika, mas napapalapit sa mamamayan ang komprehensibong serbisyo tulad ng mental health consultation, psychiatric at psychological testing, drug dependency examination, behavioral health support, counseling, at psychosocial support para sa mga nasa crisis situations. May nakatalagang doktor mula sa CHO tuwing Huwebes para sa regular na konsultasyon, habang may mga visiting specialists at katuwang na psychologists at psychiatrists mula sa PMHA na tumatanggap ng referrals sa pamamagitan ng appointment, kabilang ang teleconsultation services.

Libre ang konsultasyon at ilang piling laboratory services sa medical complex, gayundin ang limitadong suplay ng mga gamot—isang malaking tulong lalo na sa mga kliyenteng nahahadlangan ng gastusin sa pagpapagamot. Tinitiyak din ng klinika ang mahigpit na pagpapanatili ng privacy ng bawat kliyente sa pamamagitan ng hiwalay at confidential na lugar para sa konsultasyon.
Ilang araw pa lamang mula nang magbukas ay kapansin-pansin na ang pagdami ng mga lumalapit upang magpakonsulta, patunay sa kritikal na pangangailangan ng ganitong uri ng serbisyo sa komunidad.

Ang pagtatatag ng Mental Health and Wellness Clinic ay bahagi ng adbokasiya ng administrasyon ni Lucilo Rodriguez Bayron na isulong ang preventive at accessible healthcare, hindi lamang para sa pisikal kundi pati sa kalusugang pangkaisipan ng mga mamamayan.

Kasabay nito, isinagawa rin ang kauna-unahang pulong ng City Mental Health Board bilang hakbang tungo sa mas organisado at mas pinalakas na implementasyon ng mga programang pangkalusugang pangkaisipan sa lungsod. #GabayPangkalusugan #PuertoPrincesaCity

Similar Posts