
#BalitangYamangTao || PUERTO PRINCESA, NAKAMIT ANG PRIME HRM LEVEL II SA PERFORMANCE MANAGEMENT
Isang mahalagang tagumpay ang naitala ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa matapos nitong makamit ang Maturity Level II – Performance Management sa ilalim ng “Program to Institutionalize Meritocracy and Excellence in Human Resource Management”(PRIME HRM) ng Civil Service Commission (CSC).
Pormal na iginawad ang Plake ng Pagkilala kay Mayor Lucilo R. Bayron sa pamamagitan ni City Human Resource Management Officer Atty. Kerwin Arnold Mawie C. Palatino noong Abril 20, 2026, kasunod ng seremonya ng pagtataas ng watawat.
Sumasalamin ang pagkilalang ito sa patuloy na pagsisikap ng lungsod na paunlarin at palakasin ang mga sistema ng pamamahala ng yamang tao. Layunin nitong matiyak ang mahusay, episyente, at epektibong paghahatid ng serbisyo publiko sa pamamagitan ng maayos na human resource systems.
Ang PRIME HRM ay isang programa ng CSC na naglalayong iangat ang human resource management mula sa pagiging transactional tungo sa pagiging strategic partner ng pamahalaan. Sa ilalim ng Level II, ang mga proseso sa human resource ay pamantayan na, dokumentado, at patuloy na naipapatupad sa apat na core areas: Recruitment, Selection and Placement (RSP), Learning and Development (L&D), Rewards and Recognition (R&R), at Performance Management (PM).
Sa kasalukuyan, patuloy pang pinaiigting ang implementasyon sa iba pang core areas upang makamit ang mas mataas na antas ng PRIME HRM.
Nilagdaan ang plake ng pagkilala ni CSC Regional Director Atty. Elenito P. Ugay. Nauna na itong iginawad sa ginanap na HR Conference noong Abril 14, 2026, kung saan tinanggap ito ni City Administrator Arnel M. Pedrosa bilang kinatawan ng alkalde.
Samantala, tumanggap din si Mayor Bayron ng Sertipiko ng Pagpapahalaga mula sa Palawan Learning Innovators for Admin Officers Inc. (PLIAO) bilang pagkilala sa kanyang patuloy na suporta at dedikasyon sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga human resource practitioners. Kaugnay ito ng matagumpay na pagdaraos ng 31st Regional Conference of Human Resource Management Practitioners na ginanap sa lungsod mula Abril 14 hanggang 16, 2026.
Pinagtitibay ng mga pagkilalang ito ang layunin ng Pamahalaang Lungsod na mapabuti ang kalidad ng serbisyo publiko sa pamamagitan ng mahusay na pamamahala sa yamang tao—isang mahalagang pundasyon ng epektibong pamahalaan. #PuertoPrincesaCity #HRMONews
