
𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚𝐧𝐠𝐊𝐚𝐥𝐢𝐠𝐭𝐚𝐬𝐚𝐧 || 𝐏𝐀𝐆𝐒𝐀𝐒𝐀𝐍𝐀𝐘 𝐏𝐀𝐑𝐀 𝐒𝐀 𝐌𝐆𝐀 𝐁𝐀𝐆𝐎𝐍𝐆 𝐊𝐀𝐖𝐀𝐍𝐈 𝐍𝐆 𝐂𝐃𝐑𝐑𝐌𝐎, 𝟗𝟏𝟏 𝐀𝐓 𝐌𝐆𝐀 𝐈𝐍𝐓𝐄𝐑𝐍𝐒, 𝐈𝐒𝐈𝐍𝐀𝐆𝐀𝐖𝐀
𝐍𝐨𝐫𝐦𝐚 𝐋𝐲𝐧 𝐃𝐚𝐯𝐞, 𝐂𝐈𝐎 𝐁𝐚𝐥𝐢𝐭𝐚
Pinalalakas ng pamahalaang panlungsod ang kahandaan sa pagtugon sa emergency at sakuna sa pamamagitan ng pagsasagawa ng limang araw na pagsasanay para sa mga bagong kawani ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), 911, at interns mula sa College of Sciences ng Palawan State University.
Isinagawa ang pagsasanay sa pakikipagtulungan ng City Health Office (CHO) kung saan layunin nitong mabigyan ang mga kalahok ng sapat na kaalaman, kasanayan, at tamang pamamaraan sa pagsagip ng buhay at pagresponde sa iba’t ibang uri ng emergency.
Kabuuang 36 na kalahok ang dumalo sa dalawang araw na Basic Life Support Training, habang 47 naman ang sumailalim sa tatlong araw na Standard First Aid Training. Kabilang sa mga itinuro ang mahahalagang life-saving skills tulad ng cardiopulmonary resuscitation (CPR), pagkontrol ng pagdurugo, at wastong protocol sa emergency response upang maging handa sa mga kritikal na sitwasyon.
Ayon sa pamunuan ng CDRRMO sa ilalim ng liderato ni Ginoong Earl Timbancaya, bahagi ng kanilang regular na programa ang pagsasagawa ng ganitong uri ng pagsasanay upang patuloy na mapaigting ang kahandaan hindi lamang ng mga kawani ng pamahalaan kundi pati na rin ng komunidad.
Dagdag pa nito, mahalagang maitanim sa bawat isa ang kamalayan at pananagutan bilang bahagi ng komunidad sa pagtugon sa sakuna, pagsagip ng buhay, at pagtutulungan tungo sa mas ligtas na lungsod.
#PuertoPrincesaCity #CDRRMOPPSCity
