| |

MGA MEDALIST NA MANLALARO NG PUERTO PRINCESA SA MIMAROPARAA MEET 2026, IBINAHAGI ANG KARANGALAN SA PAMAHALAANG PANLUNGSOD

#BalitangSports || MGA MEDALIST NA MANLALARO NG PUERTO PRINCESA SA MIMAROPARAA MEET 2026, IBINAHAGI ANG KARANGALAN SA PAMAHALAANG PANLUNGSOD

Napuno ng sigla at pagmamalaki ang isinagawang pagtataas ng watawat sa New Green City Hall Building ngayong araw, Marso 23, sa pagdalo ng mga batang atletang nagbigay karangalan sa lungsod. Suot ang kanilang makukulay na uniporme, buong galak nilang ibinahagi ang kanilang tagumpay matapos tanghaling Overall Champion ang delegasyon ng DepEd Puerto Princesa sa katatapos lamang na MIMAROPARAA Meet 2026 na ginanap sa Sablayan, Occidental Mindoro.

Kasabay nito, pormal na itinurn-over ng City DepEd, sa pangunguna ni Assistant Schools Division Superintendent na si Dr. Renante Consolacion, ang mga espesyal na parangal na nakamit ng lungsod. Kabilang dito ang pagkilala sa City Government of Puerto Princesa bilang “Best LGU Support”, sa pamumuno ni Lucilo R. Bayron, bilang patunay sa matibay na suporta nito sa pagpapaunlad ng isports.

Bukod sa pagiging kampeon, pinarangalan din ang delegasyon bilang 2nd Runner-Up – Most Disciplined Delegation at 2nd Runner-Up – Cleanest and Eco-Friendly Delegation, na kumikilala hindi lamang sa husay sa kompetisyon kundi pati sa disiplina at mabuting asal ng mga atleta at opisyal.

Inaasahang muling magbibigay karangalan ang mga nasabing atleta sa kanilang pagsabak sa Palarong Pambansa 2026 na gaganapin sa Prosperidad mula Mayo 24 hanggang 31.

Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat ang City DepEd sa patuloy at walang sawang suporta ng lokal na pamahalaan sa pagpapalakas ng sektor ng isports sa lungsod—isang mahalagang hakbang upang mas mahubog ang talento ng kabataan at makamit ang mas marami pang tagumpay sa pambansa at pandaigdigang entablado. #MRAAMEET2026Champions #PuertoPrincesaCity #DepEdTayoPuertoPrincesa

Similar Posts