
Pinangunahan ni Mayor Lucilo R. Bayron ang paggunita ng Lungsod ng Puerto Princesa sa Araw ni Dr. Jose Rizal ngayong Disyembre 30, 2025, kasama ang iba’t ibang sektor ng lipunan, bilang pagbibigay-pugay sa pambansang bayani at muling pagpapaalala sa tungkulin ng bawat Pilipino sa bayan.
Sa isinagawang seremonya, binigyang-diin ng Alkalde na ang buhay, sakripisyo, at pagkamartir ni Dr. Jose Rizal ay hindi lamang bahagi ng kasaysayan kundi isang patuloy na hamon sa kasalukuyang henerasyon.
“Ang buhay ni Dr. Jose Rizal ay isang buhay na paanyaya sa atin na mag-isip nang malalim, kumilos nang makatarungan, at magmahal sa bayan sa pamamagitan ng araw-araw na tapat na paglilingkod,” pahayag ni Mayor Bayron.
Ayon pa sa Alkalde, bagamat hindi humawak ng armas si Rizal, ang kanyang laban ay isinulong sa larangan ng isipan at katotohanan.
“Ang kanyang armas ay ang katotohanan, at ang kanyang pamana ay nabubuhay sa bawat Pilipinong pinipiling manaig ang dangal kaysa pansariling interes, at ang pagkakaisa kaysa pagkakahati-hati,” dagdag pa niya.
Bilang paggunita sa ika-129 anibersaryo ng pagkamartir ni Rizal, nanawagan si Mayor Bayron sa mga sundalo at kawani ng uniformed services na ipagpatuloy ang paglilingkod nang may disiplina, dangal, at paggalang sa buhay.
Nagbigay rin ng hamon ang Alkalde sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan, pambansa man o lokal, na isabuhay ang katapatan, pananagutan, at malasakit sa panunungkulan. Binigyang-diin niya na ang pamamahala ay hindi lamang trabaho kundi isang moral na tungkulin.
“Ang panunungkulan sa pamahalaan ay dapat malinaw, makatao, at tunay na nakasentro sa kapakanan ng mamamayan, lalo na ng mga higit na nangangailangan,” aniya.
Kinilala rin ni Mayor Bayron ang mahalagang papel ng sektor ng edukasyon sa pagpapatuloy ng adhikain ni Rizal bilang pundasyon ng kaunlaran ng bayan.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan sa mga non-government organizations, civil society organizations, at community groups na patuloy na nagsusulong ng katarungang panlipunan, karapatang pantao, pangangalaga sa kalikasan, at pagpapalakas ng mga pamayanan.
Higit na binigyang-diin ng Alkalde ang mensahe para sa kabataan ng Puerto Princesa, na kanyang inilarawan bilang pag-asa ng lungsod at ng bansa.
“Kayo ang Rizal ng makabagong panahon. Gamitin ninyo ang inyong talino, talento, at lakas upang itaguyod ang dangal ng inyong lungsod at ng ating bayan,” ani Mayor Bayron.
Sa huli, nanawagan ang Alkalde sa lahat ng mamamayan na gawing gabay ang mga aral ni Rizal sa pang-araw-araw na buhay.
“Ang pagmamahal sa bayan ay nakikita sa paggalang sa batas, malasakit sa kapwa, at paninindigan sa tama, kahit ito ay mahirap,” ayon sa kanya.
Sa pagtatapos ng programa, sabay-sabay na ipinahayag ng mga dumalo ang panawagan ng pagmamahal sa bayan bilang pagkilala sa dakilang sakripisyong inialay ni Dr. Jose Rizal para sa kalayaan at dangal ng sambayanang Pilipino.
Binati ni Mayor Lucilo R. Bayron ang lahat ng isang makabuluhan at makahulugang Araw ni Gat Jose Rizal.
