MAYOR BAYRON, LTFRB MIMAROPA LUMAGDA SA MOA PARA SA EXTENSION OFFICE SA PUERTO PRINCESA

Nilagdaan nina Mayor Lucilo R. Bayron at LTFRB MIMAROPA Regional Director Enrico Moreno Bautista ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa paggamit ng extension office ng LTFRB sa Integrated Government Services Extension Building sa Barangay San Jose.

Isinagawa ang MOA signing ngayong Setyembre 15, 2026 sa City Mayor’s Office, na sinaksihan ng mga kinatawan ng iba’t ibang transport groups mula sa Puerto Princesa at Palawan.

Sa ilalim ng kasunduan, ipinagkaloob ng Pamahalaang Lungsod ang tanggapan upang mas mailapit at mapadali ang serbisyo ng LTFRB para sa transport sector at iba pang kliyente sa lungsod at lalawigan.

“Mahalaga sa atin ang transport system dahil nakasalalay dito ang mobility ng ating mga residente at mga turista. Hindi man obligasyon ng City Government na magbigay ng opisina, nakita natin ang malaking serbisyong ginagawa ng LTFRB at ng ating transport sector. Kaya nagkaloob tayo ng opisina para mas mapalapit at mapadali ang kanilang serbisyo sa ating mga kababayan,” ani Mayor Bayron.

Nagpasalamat naman si Regional Director Bautista kay Mayor Bayron at sa Pamahalaang Lungsod, dahil makatutulong ang extension office upang hindi na kailanganing bumiyahe pa sa regional office sa Calapan City, Oriental Mindoro para sa mga transaksyong maaari nang maasikaso sa Puerto Princesa.

“Malaking pasasalamat po namin kay Mayor Bayron at sa City Government sa ibinigay na extension office. Napakalaking bagay nito para sa ating mga kababayan dahil hindi na nila kailangang gumastos sa pamasahe at tutuluyan at bumiyahe nang malayo para lamang mag-asikaso ng kanilang prangkisa at iba pang transaksyon. Ngayon, mayroon na tayong opisina at mga staff dito na handang magserbisyo,” ani Bautista.

Itinuturing din ng LTFRB MIMAROPA na makasaysayan at simboliko ang pagkakaroon nito ng extension office sa Puerto Princesa dahil mas magkakaroon na ng direktang presensya ang ahensya at mga tauhang maaaring lapitan ng transport sector sa lungsod at lalawigan.

Nakatakdang isagawa sa Biyernes ang inauguration at blessing ng LTFRB MIMAROPA Extension Office sa Barangay San Jose.

#MayorLuciloBayron

#PuertoPrincesa

Similar Posts