MAYOR BAYRON: SUBARAW FESTIVAL, PATULOY NA LUMALAKI BILANG NATIONAL EVENT

Mula sa isang lokal na selebrasyon sa Sabang, isa nang pambansang pagdiriwang ang Subaraw Biodiversity Festival na nilalahukan ng mga kandidata, mananayaw at designer mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, ayon kay Mayor Lucilo R. Bayron.

Sa kanyang mensahe sa programa sa SM City Puerto Princesa noong Nobyembre 6, 2026, ibinahagi ng alkalde na nakikita na ang katuparan ng hangaring palawakin ang festival upang makahikayat ng mas maraming bisita at makatulong sa turismo ng lungsod.

“Patunay na totoong national event na talaga itong Subaraw Biodiversity Festival,” ani Mayor Bayron.

Binanggit ng alkalde ang 30 kandidata sa Subaraw Festival Queens 2026. Walo (8 ) sa kanila ang mula sa Puerto Princesa at Palawan, habang 22 ang mula sa iba’t ibang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Sa Subaraw National Hiphop Dance Competition naman, apat (4) na grupong mapipili sa lokal na elimination ang makikipagtagisan sa walong (8 ) grupo mula sa labas ng Palawan. Tampok din sa Subaraw Philippine Designers Competition ang mga designer mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ibinahagi rin ni Mayor Bayron ang napag-usapan nila ng mga hurado sa drum and lyre hinggil sa pagdaraos ng National Drum and Lyre Competition sa Puerto Princesa sa susunod na taon bilang bahagi ng Subaraw Festival.

Kasabay ng paglawak ng festival, hinikayat ng alkalde ang mga mamamayan na suportahan ang mga kalahok sa pamamagitan ng panonood at pakikiisa sa mga aktibidad.

“Kaya hinihikayat ko ang lahat ng mamamayan natin, manood tayo, pumalakpak tayo, humiyaw tayo, sumigaw tayo para iparamdam iyong appreciation natin sa mga paghihirap, pag-prepare ng mga contestants natin,” pahayag niya.

Bukod sa pageant, hiphop at designers competition, kabilang sa mga tampok na aktibidad ang Subaraw Festival Dance Competition; Subaraw Headdress, Costumes and Float Competition; at Subaraw Drum and Lyre Competition.

Sa programa sa SM nitong Biyernes, isinagawa ang Subaraw Festival Dance Opening Salvo, pre-judging ng Headdress and Costume Competition, pagdating ng mga cyclist at runner sa Subaraw Flight of the Fireflies, at official appearance ng mga kandidata ng Subaraw Festival Queens 2026.

Nagpasalamat si Mayor Bayron sa SM management, mga organizer, sponsor, partner at mamamayang nakiisa, habang ipinahayag ang hangaring higit pang mapalawak ang pagdiriwang.

“Hangad natin na ito ay maging matagumpay… at sa bandang huli, magawa na rin natin itong isang international event,” ani Mayor Bayron.

#MayorLuciloBayron

#PuertoPrincesa

Similar Posts